Advertisers
ITINAAS pa sa high risk classification ang COVID-19 sa National Capital Region (NCR) matapos na tumaas pa ang reproduction number sa 4.05 at tumalon sa 28% ang positivity rate sa rehiyon.
Batay sa ulat ng OCTA Research Group, ang 4.05 na reproduction number sa rehiyon, o yaong bilang ng mga taong maaaring ihawa ng isang pasyente ng sakit, ay ang naitalang pinakamataas simula noong Abril 1, 2020 pa. Indikasyon ito na bumibilis ang hawahan ng virus sa NCR.
Sa isang tweet, sinabi ni OCTA Research fellow Dr. Guido David na nasa 2,530 bagong kaso ng sakit ang naitala sa NCR noong New Year’s Day, na pinakamataas sa loob ng tatlong buwan o simula noong Oktubre 10, 2021.
Sinabi pa ni David na mula Disyembre 26, 2021 naman hanggang Enero 1, 2022, ang seven-day average ng mga bagong kaso ng COVID-19 ay tumaas pa ng 969% o mula 90 lamang ay naging 962 na.
Batay pa rin sa pinakahuling update ng OCTA, ang daily positivity rate sa NCR ay tumaas pa sa 28.03%, mula sa dating 21% lamang.
Ayon kay David, ang seven-day average sa positivity rate ay tumaas ng 12.94% mula sa 1.15% lamang noong nakaraang linggo.
Idinagdag pa ni David na ang bilang ng COVID-19 cases ay inaasahang manatili sa parehong range noong Enero 1, na may 2,500 to 3,000 bagong kaso sa NCR at 3,500 hanggang 4,000 cases naman sa buong bansa.
Sinabi pa ni David na umaasa silang makatutulong ang pagsasailalim muli sa NCR sa Alert Level 3 mula Enero 3 hanggang 15, 2022 para mapigilan ang higit pang pagkalat ng bagong COVID-19 infections. (Andi Garcia)
Hospital bed occupancy sa NCR, tumaas ng 41%
SINABI ng independiyenteng grupo ng mga eksperto na tumaas pa sa 41% ang hospital bed occupancy para sa COVID-19 sa National Capital Region (NCR) kumpara noong nakaraang linggo.
Sa ulat ng OCTA Research Group, na ibinahagi ni Dr. Guido David sa kanyang Twitter account nitong Linggo, lumilitaw na ang bilang ng mga okupadong hospital beds para sa mga COVID-19 patients sa NCR ay tumaas mula sa 1,381 lamang noong Disyembre 24 ay naging 1,942 na noong Disyembre 31.
Maging ang intensive care unit (ICU) occupancy rate ay tumaas ng 37% o mula 231 ay naging 316 sa kaparehong panahon.
“The number of occupied hospital beds for COVID-19 in the NCR increased by 41% over a span of one week, from 1,381 on December 24 to 1,942 on December 31,” ani David. “ICU occupancy for COVID-19 increased by 37%, from 231 to 316, over the same period.”
“Overall, hospital bed occupancy in the NCR is at 23% while ICU occupancy si at 25%, both considered to be very low at this time,” ayon pa kay David.
Paglilinaw naman ni David, ‘very low’ pa rin ito sa ngayon dahil ang critical level threshold dito ay 70% occupancy. (Andi Garcia)