Advertisers
‘HIGH RISK’ na muli ang classification ng COVID-19 sa Pilipinas, bunsod na rin ng mabilis na pagtaas ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19 nitong mga nakalipas na araw.
Sa isang pulong balitaan nitong Lunes, kinumpirma ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang pagtaas ng positivity rate ng COVID-19 ay nakikita na nila hindi lamang sa Metro Manila, kundi maging sa lahat ng rehiyon sa bansa.
“Nationally, we are now at high risk case classification from low risk case class in the previous week, showing a positive two-week growth rate at 222% and a moderate risk average daily attack rate at 1.07 cases for every 100,000 individuals,” ayon pa kay Vergeire.
Idinagdag pa niya na ang national healthcare utilization rate naman ay nasa ‘low risk’ pa rin.
Nabatid na hanggang noong Enero 1, 2022, ang bansa ay mayroong 17.98% bed utilization at 21.71% ICU utilization.
Mayroon na ring 21,418 aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa hanggang Enero 2, 2022 na may seven-day growth rate na 569.86%.
Samantala, ang National Capital Region (NCR), na may 857.94% seven-day growth rate at 813% two-week growth rate hanggang noong Enero 2, ay nasa high risk na rin.
Ang NCR ay nasa ilalim na ng Alert Level 3 mula Enero 3 hanggang 15, 2022 dahil sa patuloy na mabilis na pagdami ng mga bagong COVID-19 infections. (Andi Garcia/Jonah Mallari/Jocelyn Domenden)