Advertisers
NASA 11 na lamang ang bilang ng mga presidential aspirants para sa 2022 national elections mula sa dating 15, base sa tentative list na inilabas ng Commission on Elections nitong Huwebes, Enero 6.
Batay sa updated tentative list ng mga aspirants ng 2022 national elections, pasok pa rin sa presidential race sina dating presidential spokesperson Ernie Abella, Gerald Acega, Leody De Guzman, Isko Moreno Domagoso, Norberto Gonzales, Sen. Ping Lacson, Faisal Mangondato, Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., Jose Montemayor, Sen. Manny Pacquiao at Vice President Leni Robredo.
Kabilang naman sa mga inalis sa tentative list ay sina: Hilario Andres, Danilo Lihaylihay, Edgar Niez, at Maria Aurora Marcos – na pawang independent candidates.
Samantala, base naman sa listahan ng Comelec para sa vice presidential bets ay pasok sina: Buhay Party-list Rep. Lito Atienza, Walden Bello, Rizalito David, Davao City Mayor Sara Duterte, Manny Lopez, Dr. Willie Ong, Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, Carlos Serapio at Senate President Tito Sotto III.
Mula naman sa dating 70, nabawasan ang listahan ng Comelec para sa mga senatorial aspirants at ngayon ay nasa 64 na lamang.
Nakatakdang isagawa ang 2022 elections sa May 9, 2022.