Advertisers
CAGAYAN DE ORO CITY – Patay na nang matagpuan ang apat sa limang menor de edad na sabay-sabay nalunod habang naliligo isang beach sa Barangay Tambacan, Iligan City nitong Biyernes.
Sa ulat ni Police Major Zandrez Panolong ng Iligan City Police Office, kinilala ang mga nasawi na sina Jomar, 6 anyos; Jocel,7; Junrey Sarsaba, 12; Neijel Mae Marilog, 6; at ang missing na si Daisy Mae Doble.
Sinabi ni Panolong na habang sinasaklolohan ng ama na si Primiliro Sarsaba ang anak na si Jocel na nalulunod, hindi nito namalayan na sumunod sa kanya ang apat pang mga anak.
Itinulak ng ama ang apat na anak papunta sa mababaw na bahagi ng dagat habang nag-iipon ng hangin subali’t tinangay ang mga ito ng mga alon at lahat missing.
Agad naglunsad ng malawakang rescue, search and retrieval operation ang mga awtoridad hanggang sa narekober ang apat sa limang bata, subali’t lahat sila’y nalagutan ng hininga pagdating sa ospital.
Habang ginagawa ang balitang ito ay patuloy pang pinaghahanap ng mga awtoridad si Doble.(Mark Obleada)