Advertisers
MULING nanawagan si Senate Committee on Health chairman, Senator Christopher “Bong” Go sa mga Filipino na patuloy na makiisa at magbayanihan upang malampasan ang pandemya sa 2022 dahil sa nakababahalang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
“Nitong Huwebes, nakapagtala ang bansa ng libo-libong bagong kaso ng COVID-19 sa loob lang ng isang araw. Nakababahala ito dahil ito ay napakalaking pagtaas ng bilang kumpara sa ilang daan na bagong kaso kada araw noong Disyembre,” ayon kay Go.
Ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa ay patuloy na tumataas, kung saan ay iniulat ng Department of Health ang 17,220 bagong impeksyon noong Enero 6.
Nakiusap si Go sa mga Filipino na patuloy na sumunod sa mga hakbang sa kalusugan at quarantine ng gobyerno at huwag ipagsapalaran ang kalusugan ng kanilang kapwa.
“Huwag na nating sayangin ang naging sakripisyo natin sa nakaraang halos dalawang taon. Patuloy tayong makiisa sa gobyerno at magmalasakit sa kapwa. Malalampasan din natin itong pinakabagong hamon bilang isang mas matatag na bansa,” anang senador.
Muling umapela ang senador sa publiko na manatiling mapagbantay laban sa COVID-19 sa gitna ng banta ng Omicron variant nito.
“Bilang chair ng Senate Committee on Health, inuulit ko ang aking panawagan sa lahat: bakunado man o hindi, sundin ang lahat ng mga itinakdang health protocols, katulad ng pagsuot ng mask, pag-obserba sa social distancing, palaging paghugas ng kamay at pag -iwas na lumabas sa bahay kung hindi naman kinakailangan,” paalala niya.
Muling hinimok ni Go ang mga kuwalipikado na huwag nang magduda at magpabakuna kaagad upang maiwasan ang mga panganib na magkaroon ng malalang sintomas kapag nahawa.
“Sa mga hindi pa bakunado, nakikiusap ako na huwag na kayong mag-aalinlangan pa. Magpabakuna na po kayo dahil mas delikado kung unvaccinated kayo. Iyan ang totoo. Libre naman ang mga ito,” ayon sa mambabatas.
Sinabi ni Go na karamihan sa pinakagrabeng tinamaan at namamatay dahil sa COVID-19 ay hindi bakunado, ayon sa datos ng DOH.
Binanggit ng senador na karamihan sa mga pasyente ng COVID-19 na nangangailangan ng intensive care sa mga ospital ng DOH sa National Capital Region ay hindi nabakunahan.
“Kung naririyan na sa ating harapan ang oportunidad, magpabakuna na tayo,” himok ni Go.
Ipinunto ni Go na malayo na ang narating ng programa ng pagbabakuna ng bansa.
“Sa katunayan, noong Enero 5, mayroon nang kabuuang 210.63 milyong dosis ng mga bakunang COVID-19 ang dumating sa bansa,” aniya.
“Mayroong 110.87 million doses naman ang naiturok kung saan 57.32 million Filipino ang nakatanggap ng kanilang unang dose at merong 51.09 milyon naman ang nakakumpleto ng required doses. Samantala, mahigit 2.46 million booster shots ang naibigay na rin sa ating mga kababayan,” idinagdag niya.
Idiniin ng senador na hindi kaya ng gobyernong mag-isa ang laban kontra sa pandemya kaya kailangan aniya ang kooperasyon ng bawat isa para hindi tuluyang lumala ang pagkalat ng Omicron at hindi maging pasanin sa ating mga frontliners.