Advertisers
Ni ROMMEL GONZALES
IBINAHAGI ni Beauty Gonzalez na nakaiwas siya sa bagsik ng bagyong “Odette” sa Siargao nang dahil sa paghikayat ng kanyang ina na puntahan siya sa Dumaguete.
Sa virtual mediacon kamakailan para sa pinagbibidahan nila ni Dingdong Dantes na I Can See You anthology: “AlterNate,” sinabi ni Beauty na dapat ay pupunta siya sa Siargao, Surigao del Norte bago tumama ang bagyo.
Pero dahil kaarawan din iyon ng kanyang ina, hinikayat siya ng huli na umuwi at puntahan siya sa Dumaguete sa Negros Oriental, at sinunod naman ng aktres.
Bagaman naapektuhan din ng bagyo ang Dumaguete, hindi kasing tindi ng pinsala ng Siargao ang tinamo nito.
“But there are places in Negros also that got affected,” saad niya. “Talagang naramdaman namin ‘yung bagyo.”
May mga kababayan din umano sila sa Negros na malubhang naapektuhan ng kalamidad at kailangan ng tulong.
“May mga places pa rin sa Negros na walang ilaw, walang tubig,” pahayag niya na naranasan din sa ibang lugar na sinalanta ng bagyo sa Siargao, Dinagat Island at Cebu.
Dahil sa nangyari, na-stranded si Beauty sa Dumaguete at hindi na nakapag-promote ng pelikula niya na kasali sa Metro Manila Film Festival na “Huwag Kang Lalabas,” hindi na rin siya nakasama sa unang fluvial parade ng film festival.
***
INIHALINTULAD ni Barbie Forteza ang pagbibidahan niyang “Mano Po Legacy” sa American fantasy drama series na “Game of Thrones.”
Sa panayam sa kanya sa Kapuso Showbiz News, sinabi ni Barbie na ito ang una niyang proyekto matapos ang kanyang contract renewal sa Kapuso Network.
“I am humbled and overwhelmed na ito po ang aking first project after my network contract renewal. It’s a very big project and I’m super honored to be part of this.”
Nagustuhan daw agad ni Barbie ang kanyang role matapos mabasa ang script.
“When I read the script, it was so well-written and ‘yung execution ng aming direktor parang wala pong bida. Parang equally distributed po ang story and script, lahat kami. Para siyang Game of Thrones,’ lahat may story,” sabi niya.
“It’s really a family legacy, it’s all about family po,” dagdag pa ni Barbie.
Gaganap si Barbie bilang si Steffy Dy, isang dalagang nanggaling sa napakasimple at napakasayang pamilya.
Naging scholar si Steffy ng mayamang pamilya ng mga Chan, at magiging secretary ni Cristine Chan, na gagampanan ni Sunshine Cruz.
“Doon po magsisimula na makararamdam ako at ma-meet ko ang Chan family. At maramdaman ko, makita ko ang mga sikreto sa kabila ng success ng empire ng mga Chan,” ani Barbie.
Magiging katunggali ni Cristine sa negosyo si Valerie Lim, na gagampanan ni Maricel Laxa.
“‘Yun naman po ang gusto ko sa script. Hindi lang basta kontrabida, may pinanggagalingan. And also may soft side rin po ang character ni Ms. Maricel Laxa.”
Ang “Mano Po Legacy: The Family Fortune” ang naging opening salvo ng GMA ngayong 2022.