Mga senador dedma sa panukala na nagsusulong ng mas mahabang termino para sa pangulo, mga kongresista
Advertisers
IPINAGKIBIT-BALIKAT lamang ng ilang senador ang panukala na inihain sa House of Representatives na nagsusulong ng mas mahabang termino para sa pangulo, mga kongresista, at mga lokal na opisyal sa pamamagitan ng pag-amyenda sa 1987 Constitution.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, huli na para talakayin ang constitutional amendments.
Ipinunto ni Sotto na dapat ay isulong na lamang ang naturang panukala sa 19th Congress.
Gayunman, nilinaw ni Sotto na hindi niya kinukwestyon ang motibo ng kapwa niya mambabatas sa paghahain ng panukala.
“Parliamentary ethics dictate that I do not question the motive of a fellow legislator, but what I can say is ‘it’s too late in the day.’ They should try that in the 19th Congress. Good luck,” punto ni Sotto.
Naniniwala naman si Senate Minority Leader Franklin Drilon na hindi na dapat patulan ang ganitong klase na panukala.
“Papatulan pa ba yang ganyang klaseng balita?” pagtatanong ni Drilon.
Nabatid na nakatakdang mag-resume ang sesyon ng parehong kapulugan ng Kongreso sa Enero 17 habang mag-a-adjourn naman ito muli sa Pebrero 4, 2022. (Mylene Alfonso)