Advertisers
HINIKAYAT muli ni Senate Committee on Health and Demography chair, Senator Christopher “Bong” Go ang mga magulang na magtiwala sa mga bakuna para mas maprotektahan ang kanilang mga anak laban sa COVID-19.
Inulit ni Go ang kanyang apela sa isang video message sa paglulunsad ng pediatric vaccination na ginanap sa SM Megamall sa Mandaluyong City noong Martes, Pebrero 8.
Noong nakaraang araw, sinimulan na ng gobyerno ang paglulunsad ng mga bakuna para sa mga bata na may edad 5 hanggang 11 sa ibang site sa buong Metro Manila.
Batid ang alalahanin ng mga magulang, tiniyak ni Go sa kanila na ang desisyon ay ginawa lamang ng gobyerno pagkatapos ng masusing pagsasaalang-alang at konsultasyon sa mga eksperto sa kalusugan.
“Alam ko na marami ang nag-aalala at concerned sa magiging epekto ng bakuna para sa kanilang mga anak ngunit maniwala po tayo sa mga eksperto, doktor at sa siyensya. Napatunayan na po na makatutulong itong magbigay ng dagdag na proteksyon para sa mga menor de edad,” ani Go.
“Sa loob ng halos dalawang taon, ang ating mga anak ay pinagkaitan ng mga aktibidad sa labas. Bagama’t walang gustong mangyari ito at ito ay lampas sa ating kontrol, utang natin sa kanila ang mahahalagang karanasan sa pagkabata tulad ng paglalaro sa labas ng kanilang mga bahay, kasama ang kanilang mga kaklase at kaibigan, at paglikha ng masasayang alaala,” dagdag niya.
Sinabi ng senador na hindi mandatoryo ang pagpapabakuna ngunit ang mga bakuna ay nananatiling isa sa pinakaepektibong proteksyon laban sa virus.
Binigyang-diin din niya na ang pagpapabakuna sa mga bata ay may mahalagang papel sa ligtas na pagbubukas muli ng mga pampublikong espasyo, kabilang ang mga paaralan, upang ang bansa ay makabalik sa normal.
“Kaya naman po bilang mga magulang at mga tagabantay, bumawi po tayo sa kanila sa pamamagitan ng pagpapabakuna. Mahalagang maunawaan nila ang kahalagahan nito at kung bakit kailangan na sila mismo ay mabakunahan rin,” apela ni Go.
Ayon sa senador, ang bakuna ay isang pag-iingat na hakbang na makatutulong sa ating mga anak na palakasin ang kanilang immune system upang matiyak na sila ay magiging malusog sa pisikal sa oras na sila ay bumalik sa isang harapang set-up sa mga paaralan at pumunta sa mga pampublikong lugar.
Pinasalamatan ni Go ang mga magulang na nagtiwala sa mga pagsisikap ng gobyerno sa pandemya at pinahintulutan ang kanilang mga kuwalipikadong bata para makuha ang kanilang mga shot.
Sa nakaraang pinagsamang pahayag ng Department of Health at National Task Force Against COVID-19, idiniin nila na walang adverse events na naiulat sa siyam na milyong bata na may edad 12 hanggang 17 na nakatanggap ng kanilang dosis kahit isang beses.