Advertisers
PATULOY ang pagbaba ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ito’y matapos na iulat ng Department of Health (DOH) na nakapagtala na lamang sila ng 2,730 bagong kaso ng sakit nitong Lunes, Pebrero 14, Araw ng mga Puso.
Ang naturang bilang ay mas mababa pa kumpara sa 3,050 new cases lamang na naitala ng DOH noong Linggo, Pebrero 13.
Batay sa case bulletin #702, ang Pilipinas ay mayroon na ngayong kabuuang 3,639,942 COVID-19 cases.
Sa naturang bilang, 2.1% na lamang naman o 76,609 ang mga aktibong kaso pa o maaari pang makahawa.
Karamihan naman sa mga aktibong kaso ay pawang mild cases lamang na nasa 69,574 habang ang 2,310 naman ay asymptomatic o walang nararamdamang anumang sintomas.
Nasa 2,970 naman ang moderate cases, 1,443 ang severe cases at 312 ang kritikal.
Nakapagtala rin naman ang DOH ng 7,456 na mga pasyenteng gumaling na mula sa karamdaman.
Sa ngayon ang total COVID-19 recoveries sa bansa ay umaabot na sa 3,508,239 o 96.4% ng total cases.
Mayroon din namang naitalang 164 na pasyenteng namatay dahil sa COVID-19.
Sa kabuuan, ang Pilipinas ay nakapagtala na ng 55,094 COVID-19 deaths o 1.51% ng total cases. (Andi Garcia/Jocelyn Domenden)