Advertisers
MAY 2.4 milyon pang senior citizens sa bansa ang nananatili pang hindi bakunado laban sa COVID-19.
Ito ang kinumpirma ni Department of Health (DOH) Undersecretary Myrna Cabotaje sa Laging Handa briefing nitong Lunes.
Ayon kay Cabotaje, ilan sa mga ito ang tumatanggi nang magpabakuna dahil sa labis na katandaan.
Iniulat din ni Cabotaje na ang first dose vaccination rate sa mga senior citizen ay nasa 68% lamang habang ang second dose vaccination rate naman ay nasa 70%.
Nagpahayag naman ng paniniwala ang health official na ang pagpapadali sa proseso ng vaccination ay isang paraan upang mas marami pang senior citizen ang mahikayat na magpabakuna.
“So ang ginawa ng ibang local na pamahalaan, nag-house-to-house, yung iba nilapit yung mobile fix post kung saan mayroong maraming mga senior, doon nila ilalagay yung kanilang bakuna center,” ani Cabotaje.
Muli rin niyang hinikayat ang mga senior citizens na magpaturok na ng bakuna laban sa COVID-19 lalo na at sila ang pinaka-nanganganib at pinaka-vulnerable sa virus.
Batay sa datos ng DOH, hanggang Pebrero 19 ay nasa kabuuang 62.3 milyong indibidwal na ang fully vaccinated laban sa COVID-19 habang 6.9 milyon na ang nakatanggap ng boosters shots. (Andi Garcia)