Advertisers
HIGIT 70 days nalang para sa Halalan 2022. Palinaw nang palinaw na kung sino ang nakalalamang sa mga kandidato partikular sa presidente. Pero ika nga, hangga’t hindi pa nangyayari ang eleksyon ay wala pang makapagsasabi kung sino ang nanalo dahil tiyak na marami pang mangyayari bago ang araw ng paghukom sa mga aspirante. Mismo!
Sa ngayon, sa mga survey ng iba’t ibang survey firms at media networks, bagama’t nababawasan ay malaki parin ang lamang ng presidential aspirant na si dating Senador Bongbong Marcos Jr. at kanyang running mate Sara “Inday” Duterte-Carpio.
Pero sa survey sa mga koliheyo, talagang landslide ang panalo ng isa sa mga mahigpit na katunggali ni Marcos na si Vice President Leni Robrido, na obviously ay suportado rin ng Simbahang Katoliko.
At sa kabila ng pangunguna ni Marcos sa mga survey, marami sa kanilang dating supporters at maging kandidato ang nagkalasan, lumipat sa ibang kampo. May mga lumipat kina presidential aspirants Manila Mayor Isko Moreno at Senador Ping Lacson.
Oo! Marami sa mga diehard supporter ng ama ni Sara na si Pangulong Rody Duterte ang tumalon sa kampo ni Isko. Nagpakalat pa ng tarpaulins ang mga ito ng tandem nina Isko at Sara (ISSA). Kalat ito sa maraming bahagi ng Mindanao na balwarte ng Duterte.
Ang isa sa senatoriables ni Marcos na si Gringo Honasan ay lumipat naman sa kampo ni Lacson.
Ang hindi lamang natinag na tiket ay ang Leni-Kiko, kungsaan palaki nang palaki pa ang bilang ng supporters, at tumindi ang ingay ng kulay pink sa social media.
Sa tingin natin, ang mahigit na maglalaban sa pagkapangulo ng bansa ay sina Robredo at Marcos, at sa ikalawang pangulo ay ang kanilang running mate na sina Kiko at Sara. Mismo!
Pero, sabi nga, hangga’t hindi pa nangyayari ang halalan at wala pang nabibilang na balota, marami pang mangyayari sa ongoing election campaign. You know!!!
***
Pinagtibay ng Sandiganbayan ang conviction ni dating Tourism Secretary Ace Durano kaugnay ng kaso nito sa pagpagawa ng wall calendar noong 2009, panahon ni Gloria Macapal-Arroyo, na nagkakahalaga ng P2.7 million lamang na hindi dumaan sa public bidding.
Si Durano at ilan pa ay hinatulan ng 6 to 10 years imprisonment at pinagbawalang makapagtrabaho pa sa gobierno habambuhay.
Isa uling babala ito sa opisyal ng gobyerno na mga kulimbat.
Teka, kailan naman kayo matatapos ng Sandiganbayan ang paghimay sa kaso ng kongresista ng Romblon na si Jesus “Budoy” Madrona kaugnay ng fertilzer fund scam na nangyari rin sa panahon ni Arroyo?
Ilan sa mga kasabwat ni Madrona sa kasong ito ay perpetually disqualified na sa trabaho sa gobierno, may namatay na, pero si Madrona ay nasa puwesto pa at kandidato uli ngayon sa pagka-kongresista ng lalawigan.
Ayon sa nagsampa ng kaso na si Lyndon Moleno, kasalukuyang Sangguniang Bayan ng Romblon island, tapos na sila sa prosecussion, nasa depensa na ang pagdinig.
Sa mga nakasuhan sa fertilizer fund scam, hindi pagdaan sa proper bidding at overpriced, wala pang na-dismiss… lahat ay “guilty”. Abangan!