Yorme Isko: Ngayong 2022, gawin nating masaya ang kuwento ng pamilyang Pilipino; Lunas partylist, oks sa mambabatas ng Bulacan
Advertisers
MAY magagandang iniwan sa bansa ang yumaong diktador at dating Presidente Ferdinand Emmanuel Edralin Marcos Sr., pero hindi ito dapat na maging dahilan upang kalimutan na, ‘wag nang usigin pa ang mga taong gumawa ng karahasan, pagpatay, katiwalian at matinding pagnanakaw na nangyari sa rehimen ng batas militar.
Ilan sa magagaling na legacy ni Marcos ay ang maraming itinayong kalsada, paliparan, mga ospital, state colleges and universities, pabahay at iba pa – na hanggang ngayon, pinakikinabangan ng taumbayan.
Ang magaling, dapat na gayahin, pero ang masasamang ginawa ng diktaduryang Marcos, hindi dapat na isaisantabi dahil lamang sa panawagan ng pagkakaisa, dahil sa sigaw na iwan na at harapin ang mga problemang hinaharap ngayon ng bansa.
Para kay Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, hindi dapat na isarado ang madugong nakaraan ng batas militar, lalo na at hanggang ngayon, maraming namatay at nawawala pa ay sumisigaw ng hustisya.
Ilang ulit nang sinabi ni Yorme Isko na kung siya ang pangulo, ang paghahanap ng katarungan sa mga biktima ng martial law ay hindi paghihiganti.
Ang kabayaran sa kasalanan ay katarungan, sabi ni Yorme Isko tuwing tatanungin kung ano ang gagawin sa mga nakaranas ng karahasan ng diktaduryang Marcos.
Pananagutin niya sa mata ng batas ang mga may kasalanan, hindi sa paraan na nais lamang maghiganti.
Walang hustisya sa gantihan pero may kapatawaran ang kasalanan kung maparurusahan at babayaran bunga ng maayos na paghuhusga, ayon sa mata ng batas.
Dapat ding tingan ang mabuti, hindi lamang ang masama, paliwanag ni Isko – at kung siya ang manalong pangulo sa Mayo 2022, ang iniwang magaling, mahusay at kapakipakinabang ng batas militar, paninindigan niya na gagawin para sa kapakanan ng taumbayan.
Maayos na pabahay noon, ginawa at ginagawa ni Yorme Isko ngayon sa Maynila at gagawin niya ito sa buong bansa kung siya ang pangulo.
Mas gagandahan pa niya ang edukasyon, ang impraestraktura, serbisyong medikal, hanapbuhay, kabuhayan, trabaho, at maraming iba na magandang ginawa ng nakaraang mga administrasyon, gagayahin, lalo pang paghuhusayin.
“Lahat ng magaganda, iyon ang dinadala sa ngayon at sa kasalukuyan… pupurihin natin ang magaganda, ang masasama, ating kokondenahin, ating uusigin,” laging sinasabi ni Yorme Isko pag tinatanong kung paano isasara ang masamang nakaraan upang buksan ang magandang bukas ng mamamayang Pilipino.
Maaari, sabi niya, may mga kalaban sa politika na kokontra sa paniniwala niya, at “nirerespeto ko ang kanilang opinyon.”
Pero para kay Yorme Isko, pinakamahalaga ay ano ba ang mabubuting bunga at pakinabang sa bayan.
Pinakamahalaga sa lahat, sa paniniwala ng pambatong kandidatong pangulo ng Aksyon Demokratiko ay kung ano ang “kapakinabangan ba ng tao, napapakinabangan ba ng tao, nararamdaman ba ng tao yung mga pagbabago.”
Kung ang isang programa ay tumatama sa kaginhawahaan, sa kapakinabangan ng tao, yun ang mahalaga kay Yorme Isko.
Sana, at umaasa si Yorme Isko, sa susunod na mga taon, kailangan nang wakasan ang naghaharing politika na bunga ng away ng dalawang pamilya – ang mga Marcos at Aquino – at hayaan na ang taumbayan ang malayang pumili ng nais manungkulan sa bayan.
Sa tunggaliang ito, ano ang mapait na kuwento ng Pilipinas sa loob ng nakaraang 50 taon, tanong ni Isko.
Iisa pa rin ang kuwento: korapsiyon, kahirapan, kagutuman, matitinding pagsubok sa buhay.
Ngayong 2022, dapat namang maiba ang buhay Pilipino, at ito ngayon ang hamon natin sa darating na eleksyon.
Tapos na ang martial law at tama si Yorme Isko: Ibahin natin, gawin nating mabuti, maginhawa at masaya ang kuwento natin sa 2022: Pangitiin natin si Juan, si Petra, si Maria.
***
Pinasalamatan ni Bryan Raymund Yamsuan, LUNAS partylist 1st nominee ang lantarang suporta ng mga mambabatas ng Bulacan sa adhikain nila na mabigyan ng proteksiyon at benepisyo ang ‘No Work, No Pay” na mga kawani at trabahador.
“Maraming-maraming salamat po at kayo man ay naniniwalang kailangan ng mga ‘No Work, No Pay’ ay dapat na bigyang kalinga ng ating gobyerno,” sabi ni Yamsuan.
Tinukoy niya sina Congressman ‘Kuya’ Jose Antonio Sy-Alvarado (1st District, Gavini “Apol” Pancho (2nd district), Congresswomen Lorna Silverio (3rd district) at Rida Robes (San Jose Del Monte) na nangakong tutulong sa mga layunin ng LUNAS partylist.
Kung magkaroon ng kalamidad, biglang lockdown o maaksidente at magkasakit, maraming ‘No Work, No Pay worker’ ay walang nakukuhang bepenisyo sa kanilang kompanya.
“Gutom ang kanilang pamilya kung walang maiuuwing pera, e hindi naman nila kasalanan kung hindi makapagtrabaho dahil nagsara ang kompanya, gawa ng lockdown o may strike o bumaha o dahil may bagyo,” sabi ni Yamsuan.
Kasama sa sektor na ito ang food servers, manicurista, hairstylists, tindera, food delivery at courier riders, trabahador sa pelikula at entertainment industry.
Kailangan ang batas at tuntunin sa paggawa na tutulong sa arawang manggagawa na walang benepisyo at ayuda mula sa kanilang pinagtatrabahuhan at sa gobyerno.
“Dapat na bigyan sila ng saklolo. Pilipino, kababayan natin sila na mga ‘No Work, No Pay’, paano sila kung may emergency o lockdown. Kaawa-awa sila at mga ganyang panukalang batas ang isusulong ng LUNAS partylist sa Kongreso,” paliwanag ni Yamsuan.
Humingi ng suporta si Yamsuan na iboto ang numero 50 sa balota para sa LUNAS Partylist sa eleksyon sa Mayo.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.