Advertisers

Advertisers

Saksakan na

0 1,696

Advertisers

LUBHANG mapanganib ang politika sa bansa kumpara sa kagubatan dahil nariyan na nakikingisi, nakatawa, nakatango, panay ang kaway subalit sa likod nito’y iba ang nais, ang maisahan ang o mapabagsak ang sino man at kahalili sa tangan kasaganahan. Ang masaklap nito hindi napaghandaan ang araw na kung saan ang pinakamalapit na kaalyado ang siyang sasaksak sa likuran na karaniwan nagaganap. Samantala sa kagubatan, ang pagtahak patungo sa kapatagan ang tanging layunin bagkus may kalayuan batid na may pagsubok na haharapin na handa ang sarili’t kalooban na malalagpasan. May hiwaga ang pagkakasulat ngunit malakas ang mensahe na may pinatutungkulan na kung sino. Kayo na ang bahalang magsabi na kung sino at sa katagalan at matutukoy na kung sino ang unang pumutak, tiyak iyon.

Sa ngayon, nariyan ang pag-eendorso ng ilang kandidato na pinagsasama ang nais kahit nasa magkabilang panig at may kanya-kanyang partido. Tila hindi mahalaga kung iba ang dala ng una sa pangalawa o ng pangalawa sa una, ang mahalaga makuha ang inaasam sa halalan. Nariyan ang tumatakbo na nagpapahayag na ini-eendorso ng puno ng Balite sa Malacanan na walang katotohanan bagkus ito’y pahayag na na-ibig makuha ang ayuda ni Totoy Kulambo. Sadyang panlililo ang pahayag na kahit ‘di batid ng katambal na iniwan sa paminggalan, hindi mawala sa isip at puso na ito’y galaw sa ngalan ng pansariling politika. O isang pagsubok upang malaman ang galaw ng kakampi o katiyakan na mapanatili ang katapatan kahit ito’y wala sa tabi. Ngunit hindi bulag ang sino man at kita sa galaw ang politika na ang pansariling interes ang kinakarera. At sa tamang oras, walang bayad ang magpalit isip upang ipanalo ang laban kahit sino ang masaktan sa ngalan ng kasaganahan ng buhay na pangmatagalan. Ingat Mang Juan.

Sa ngayon masisilip ang ilang kampo na nagdadala ng balitang pampalito na nagbabangit ng kasiguruhan ng pag-eendorso ni Totoy Kulambo sa kandidatura nito. Na naghahanda ang partido sa pag-eendorso kuno at handang itaas ang kamay na hudyat ng pagkiling sa pulitika nito. At katiyakan ng paglakas sa pagtakbo sa halalan sa usapang dala ang kandidatura ng anak na tumatakbo kasama ni Boy Pektus. Hindi ganun kabilis paniwalaan ang balita, batid ng bayan na ang usaping politika sa bayang ito’y ‘di kasama ang katapatan at ang paglililo’y karaniwan. Ang katapatan sa larangang ito’y isang kahinaan na kung sino ang mapanlinlang ito ang lamang. Nariyan ang kaliwa’t kanang pagpapahayag kahit walang katotohanan basta ang mahalaga’y mapansin ng manghahalal na kung sino ang pinagtutukuyan..



Sa social media, mapapansin ang mga naglabasang pahayag, campaign materials na naka dikit sa mga sasakyang sa caravan ng isang kandidato sa panguluhan kasama sa larawan ang isang bise-presidente na kahit hindi magka-ticket ay dala ng politikong lokal na ito ang kanyang ibig. At kung kilos at postura ang pagbabasehan maaaring paniniwalaan sa lapit nito sa puno ng Balite ng Malacanan, at ang walang pagtangi sa anumang panig. Sa katunayan, may mga pahayag ang kandidato na hindi gagalawin ang nakaraan sa ngalan ng pagkakaisa. Subalit panay ang batikos sa abalang pangulo dahil sa tatag nitong hawak na pwesto na patuloy na tumataas ang dami ng naniniwala dito.

Sa paglabas ng balita na makakasama ang anak ni Totoy Kulambo ng lilong alkalde bilang kapareha’y at tila babasbasan ng partidong PaDaPa ay isang balitang kutsero na nagbukas sa kaisipan ni Mang Juan sa kung sino ang dapat sa halalan. Malinaw ang saksakan sa puntong ito, ‘di man hawak ni Panday ang balaraw bagkus tangan ng alkalde ang punyal na itatarak kaninuman sa ngalan ng tagumpay sa halalan. Alam ito ni Mang Juan.

Sa kabilang dako, tinapatan ng mga bata ni Boy Pektus ang naglabas ng pahayag at nagpahayag na may nabubuo kunong grupo na ang nais ang tambalang Boy Pektus Tito Escalera. Malinaw na ito’y pagbalik o pagbawi sa mga bali-balitang lumabas, upang malaman kung ano ang katotohanan sa inilabas na pahayag ng kampo paglililo. At inaasahan na maghahayag ang nagsasariling si Inday Sapak sa mga kaganapan. Asahan na ang pagpapahayag ng kung sino ang katambal o nagdadala sa kandidatura nito ‘di kailangan tanggapin ng ganun lang. Dahil sa ilang araw ng pag-iikot nito sa bansa hindi magkasama ang Inutile sa mga lakaran. Tunay na nagsasaksakan ang mga ito upang isulong ang sariling pakay at kung katapatan ang pag-uusapan, sabihin ninyo ito sa hangin.

Malinaw ang kaayusang ito, minsan nang binangit ni Inday Sapak na walang puwang ang “honesty” sa larangang ito. Ang saksakan sa likod o sa harapan ang dapat asahan ng hindi masugatan sa laban. Hindi mapanghahawakan ang pahayag na nakasulat sa tubig na kahit may tala’ pwedeng balewalain. Ang manatili at ang maipanalo ang laban ang kailangan. At kapag nakuha ang ibig, kusang dadami ang kakampi’t kapanalig, ngunit huwag ialis sa isipan na ito’y katapatan pansarili.

Sa kasalukuyan, masasabing ang saksaka’y sa pagitan ng maka administrasyon, dahil sa kawalan ng pagdedesisyon ni Totoy Kulambo sa kung sino ang ibig sa halalan. Malaki ang bentahe na paling ang pagkiling sa sasabihin ng anak na tuwirang sasalag sa kahaharaping mga asunto sa kinabukasan. Malinaw na ang paglabas ng mga panlililong pahayag ng bawat kampo’y pwestuhan sa pagkuha ng basbas ng Balite ng Malacanan.



Sa pagpasok ng lokal na kalahok sa halalan, asahang magkakahugis na kung sino ang kikilingan ng makinarya ng pambansang pamahalaan. Asahan na ang mga lokal na kandidato ang magdadala ng tempo ng takbo sa pambansang pwesto at magkakaalaman kung sino ang dala ng pambansang pamahalaan na maging llamado sa halalan. Subalit, hindi ito katiyakan ng panalo sa halalan dahil ang pagpapasya’y gagawin ni Mang Juan. Ang ayuda sa lokal na kandidato’y pagtatali o pagsisiguro na hindi naduhagi ang napisil na kandidato sa bilangan lalo’t ang mga kasalukuyang puno ng mga lalawigan, siyudad at maging ng mga munisipyo ang may hawak ng susi sa patas na bilangan.

Ang tunay na pagpapasya’y na kay Mang Juan at sa balana na siyang may hawak ng punyal na kikitil sa mga kandidatong walang pagtingin sa kagalingan nito. Matamis ang pasya ng bayan sa mga taong rumespeto sa kagalingan na may kinalaman sa kanilang buhay. Ang saksakan ng politiko’y para sa kanilang hanay. Ngunit sa labang ito, nagising ang Pilipino na hindi dapat iluklok ang sino mang lilo. Oo, mailap ang katapatan sa mga politiko ngunit marunong tumaya ang bayan upang protektahan ang kandidatong nagigiliwan. Ito ang dadalahin sa pagpapasya na ‘di masasaling at masusugatan sa kandidatong naibigan.

Maraming Salamat po!!!