Advertisers

Advertisers

Payo ng Lacson-Sotto sa TODA ng Candelaria, habulin ang hindi pa naibibigay na ayuda

0 394

Advertisers

CANDELARIA, Quezon — Ang mga tulong pinansyal at subsidiya mula sa gobyerno ay galing sa buwis na pinaghirapan ng bawat Pilipino kaya may karapatan ang ano mang sektor na pinaglaanan nito na kunin ang kanilang mga ayuda mula sa mga kinauukulan.

Ito ang ipinaalala nina Partido Reporma standard-bearer Ping Lacson at running mate na si Senate President Tito Sotto sa kanilang dayalogo kasama ang may 200 mga miyembro ng tricycle operators and drivers’ association (TODA) sa Candelaria, Quezon, nitong Martes.

Napag-usapan sa kanilang pulong kung paano isinulong ng tambalang Lacson-Sotto ang Bayanihan I at Bayanihan II na may nakalaang pondo para sa ayuda ng mga apektadong sektor noong kasagsagan ng pandemya na hindi naimplementa nang maayos base sa hinaing ng mga hindi pa rin nakatanggap.



Ayon sa mga tsuper ng tricycle sa Candelaria, maging sila ay hindi pa nakukuha ang kanilang bahagi sa inilaang P5.58-bilyong pondo para sa mga driver ng pampublikong sasakyan sa ilalim ng Bayanihan II bago tuluyang mapawalang-bisa ang batas.

Pinayuhan ng pinuno ng Partido Reporma ang mga taga-TODA na maaari nilang singilin sa bagay na ito ang mga opisyal ng kanilang lokal na pamahalaan at kinatawan ng mga ahensyang dapat ay nangasiwa sa pamamahagi ng nasabing ayuda.

“Puntahan ninyo ‘yung inyong mga barangay chairmen, puntahan ninyo ‘yung inyong mga mayor bilang isang grupo. Kasi kung isa lang kayong pupunta baka hindi kayo pansinin. Kaya mainam ‘yung nakapag-organisa kayo sa pamamagitan ng TODA. Hingin ninyo kasi sa inyo ‘yon,” sabi ni Lacson.

Ganito rin ang kanyang bilin sa kanila kaugnay sa P2.5-bilyong pondo para sa subsidiya ng langis na nakatakdang ipamahagi ng pamahalaan sa mga nasa sektor ng pampublikong transportasyon kasunod ng tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

“So, kapag naglagak ng P2.5-billion o P3-billion para sa inyo, i-demand ninyong kunin ‘yon. Huwag kayong magsawalang-kibo na hindi dumating, bayaan na lang natin. Mali rin po ‘yung ganoong attitude. Ipaglaban ninyo kasi hindi ito bigay sa inyo. Galing din sa inyo sa pamamagitan ng inyong buwis at kailangan hingin ninyo dahil nasa batas,” giit ni Lacson.



Sinabi ni Sotto na sakaling pareho silang maluklok ni Lacson sa puwesto bilang mga susunod na bise-presidente at presidente ng bansa ay sisiguraduhin nilang hindi mauulit ang matagal na paghihintay ng mga mamamayan sa ayudang dapat sana ay naibibigay sa kanila sa takdang oras.

Ipinaliwanag ni Lacson na bagaman matagal na silang naninilbihan ni Sotto bilang mga senador, wala sila sa poder para i-implementa ang mga batas na kanilang ginawa, at ang tanging magagawa lamang nila sa ngayon ay kalampagin ang mga opisyal at ahensya ng gobyernong nagpapatupad sa mga ito.

“Kung pagbibigyan kami ng pagkakataon, doon kami may papel na i-implementa (ang mga batas na aming ginawa), at sinisigurado namin—kasi kami ang nagpasa ng batas, alam namin ‘yung importansya na maipasa ‘yung batas na ‘yon—siguradong i-implementa namin,” apela ni Lacson.

Kasama nilang nakipag-dayalogo sa mga miyembro ng TODA sa Candelaria, Quezon si Partido Reporma senatorial candidate Dr. Minguita Padilla na isinusulong ang kanyang mga nais na reporma sa estado ng sektor ng kalusugan sa bansa.