Advertisers
SADYANG winasak ni PROMDI presidential candidate Sen. Manny Pacquiao ang alamat ng sinasabing ‘Solid North’ makaraang magpakita ng matinding suporta ang mga Pangasinense sa kandidatura ng Pambansang Kamao.
“Akala ko sabi nila Solid North, iyon pala ‘Solid MP (Manny Pacquiao)’,” pabirong turan ni Pacquiao matapos ang kanyang “boodle fight” sa mga barangay officials at residente ng Brgy. Poblacion Oeste sa Dagupan City matapos siyang italaga bilang “adopted son.”
Sa kanyang talumpati, nagpasalamat si Punong Barangay Mark Anthony Gutierrez sa pagbisita ni Pacquiao. Sinabi ni Gutierrez na marami sa kanyang nasasakupan ang humahanga kay Pacquiao dahil sa ibinibigay nitong inspirasyon para sa mga mamamayan lalung-lalo na ang mga mahihirap.
“Nagpapasalamat ako sa pagdalaw ni Pacman dahil inspirasyon siya ng marami nating kababayan at dala niya ang pag-asa para sa magandang kinabukasan,” turan ni Gutierrez.
Sinabi naman ni Poblacion Oeste Bgy. Kagawad Ricardo Fernandez na marami ang nabuhayan ng loob na maaari pang gumanda ang kalagayan ng bansa dahil sa desisyon ni Pacquiao na tumakbo bilang pangulo ng bansa.
“Karamihan po sa amin dito sa barangay ay mahihirap lang at sa pagdalaw na iyo ng Pambansang Kamao ay nabuhayan kami sa posibilidad na maaari naming makamit ang kaginhawaan mula sa karukhaan,” ayon kay Fernandez.
Sa ginanap namang prayer gathering sa Lingayen Provincial Capitol Training Center, positibo ang naging tugon ng 3,000 mga pastor at kanilang tagasunod sa paghimok sa kanila ni Pacquiao na tanggihan ang kandidatura ng mga magnanakaw at korap na politiko at sa halip ay bumoto ng mga lider na may takot sa Diyos.
Pinaalalahanan ng People’s Champ sa nasabing aktibidad ang mga dumalo na iwasan nang gumawa muli ng pagkakamaling maghalal ng mga mandarambong sa gobyerno na panatilihin lang ang paghihirap ng sambayanan.
“Wala pa akong nakikita na talagang lumalaban para sa maliliit, para sa mahihirap. Panahon na para labanan ang umiiral na sistema ng korapsyon dahil ang ‘laban ko ay laban ng bayan. Gusto kong sagipin ang nakakaraming mahirap mula sa karukhaan,” aniya.
Ayon kay Pacquaio, na isa ring Kristiyanong pastor, dapat ay natutunan na ng mga Pangasinense ang mga leksyon sa nakalipas at bumoto ng mga lider na nasa tamang daan at naniniwala sa Diyos.
“Alam kong may ilan sa inyo ang hindi boboto sa akin, kung gan’on ang desisyon n’yo, huwag na kayong bumoto ng magnanakaw at sa halip ay pumili ng kandidatong may takot sa Diyos,” kanyang idiniin.
Hiniling ng People’s Champ na makiisa sa paglaban at pagsugpo ng katiwalian: “Ipakita natin na ang taongbayan ay nagkakaisa para sa kapakanan ng sambayanan. Isa lang ang dahilan ng paghihirap at ito ay ang korapsyon. Hinihimok ko kayo makiisa. Bumoto kayo ng sa lider na hindi mukhang pera at may takot sa Panginoong Diyos.”
Matapos makapagtalumpati sa mga pastor at mga ordinaryong mamamayan ng Lingayen, tumuloy si Pacquiao sa bayan ng Urdaneta para makipagdiyalogo rin sa kanyang mga tagasuporta sa Urdaneta Cultural Center.
Patungo roon ay tuwang-tuwa ang Pambansang Kamao sa nakita niyang mainit na pagtanggap mula sa mga taga-Urdaneta na luminya pa sa magkabilang gilid ng kalsada para makita siya at kumaway habang nagsisigawan ng kanyang pangalan.
Mainit na mainit din ang pagtanggap ni Urdaneta Mayor Rammy Parayno at ang kanyang mga kasamahan sa konseho na nagdeklara ng suporta sa kandidatura ni Pacquiao.
Punong-puno ang malaking multi-purpose gymnasium at hindi magkamayaw ang mga tao upang makamayan at makapag- selfie sa kanilang idolo.