Advertisers
NASA mahigit 49,000 ang mga aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon sa Department of Health (DOH), ito’y matapos na makapagtala na lamang sila ng 941 bagong kaso ng sakit at 1,784 pasyente naman na gumaling na mula sa karamdaman hanggang nitong Marso 5, 2022.
Dahil sa mga bagong kaso ng sakit, ang total COVID-19 cases sa bansa ay nasa 3,666,678 na.
Gayunman, sa naturang kabuuang bilang, 1.3% na lamang o 49,374 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa sa karamdaman.
Karamihan pa rin naman sa mga aktibong kaso ay nakakaranas lamang ng mild na sintomas ng karamdaman, na nasa 44,586 habang 416 naman ang asymptomatic o walang nararamdamang sintomas.
Nasa 2,736 naman sa mga aktibong kaso ang may moderate symptoms, 1,344 ang may severe symptoms habang 292 ang kritikal ang kalagayan.
Samantala, ang mga pasyenteng gumaling na mula sa COVID-19 sa bansa ay nasa kabuuang 3,560,425 na o 97.1% ng total cases.
Mayroon pa rin namang 109 pasyente ang sinawimpalad na bawian na ng buhay dahil sa karamdaman.
Sa ngayon, ang total COVID-19 deaths sa bansa ay 56,879 na o 1.55% ng total cases. (ANDI GARCIA)