Advertisers

Advertisers

3 araw na relief ops sa Davao Oriental, isinagawa ng grupo ni Bong Go

0 198

Advertisers

NAG-ORGANISA ang grupo ni Senator Christopher “Bong” Go ng serye ng mga aktibidad sa San Isidro, Davao Oriental mula Marso 1 hanggang 3 upang magbigay ng tulong sa 3,000 nahihirapang indibidwal na binubuo ng mga solong magulang, mangingisda at mga taong may kapansanan.

Idinaos sa municipal gymnasium, ang relief operations ay isinagawa sa mahigpit na pagsunod sa health and safety protocols laban sa COVID-19.

Pinagsama-sama ng mga tauhan ni Go ang mga residente sa mas maliliit na batch at binigyan sila ng mga mask, bitamina at meryenda.



Nagbigay din sila ng mga bisikleta at bagong pares ng sapatos para sa mga piling indibidwal gayundin ng mga computer tablet upang matulungan ang kanilang mga anak sa mga aktibidad sa pag-aaral.

“Sa mga kabataan, para po sa inyo itong computer tablets. Mag-aral po kayo nang mabuti, kayo po ang kinabukasan ng bayang ito,” ayon kay Go.

“Sasaya po ang inyong mga magulang kapag nakapagtapos kayo ng pag-aaral. Iyan po ang puhunan natin sa mundong ito–edukasyon,” dagdag niya.

Ang mga kawani naman mula sa Department of Social Welfare and Development ay nagbigay ng livelihood grants sa pamamagitan ng Sustainable Livelihood Program nito.

“Sa tulong ng mga programa ng inyong gobyerno, bibigyan ho kayo ng puhunan at tuturuan po kayong magnegosyo. Palaguin n’yo po ang inyong negosyo, gamitin n’yo po sa tama, dalhin n’yo po sa inyong pamilya ang inyong kita,”anang senador.



Hinikayat ni Go, bilang chair ng Senate Committee on Health and Demography, ang mga residenteng nangangailangan ng medikal na atensyon na bisitahin ang Malasakit Center sa Davao Oriental Provincial Medical Center sa Mati City. .

Mayroon nang 151 Malasakit Centers sa buong bansa na nakatulong sa mahigit tatlong milyong Pilipino. Si Go ang principal author at sponsor ng Malasakit Centers Act.

“Patuloy akong tutulong, lalo na sa mga mahihirap. Bisyo ko ang magserbisyo. Tuloy dapat ang serbisyo lalo na sa panahong hirap na hirap na ang mga kapwa nating Pilipino. Gagawin po natin ang lahat sa abot ng ating makakaya para magbigay ng tulong. Hindi po namin kayo pababayaan,” pangako ng senador.