Advertisers

Advertisers

Bong Go: DENR ginawaran ng lupa, 41 residente sa Taytay

0 337

Advertisers

BINATI ni Senator Christopher “Bong” Go ang 41 bagong may hawak ng titulo ng lupa mula sa Taytay, Rizal sa turnover ceremony na pinangunahan ng Department of Environment and Natural Resources noong Marso 4.

Dalawampung 100-square meter na lote sa Lupang Arenda, Barangay Santa Ana ang ipinamahagi sa mga informal settlers at miyembro ng Samahang Masigasig Tapayan Homeowners Association (SAMATHOA).

Ang hakbang ay pagtupad sa pangako ng administrasyong Duterte na lutasin ang mga isyu sa pagmamay-ari ng lupa sa bansa.



“Natutuwa ako sa araw na ito dahil matutupad na ang pangarap ng mga miyembro ng SAMATHOA na maging may-ari ng kanilang sariling lupain. Ang mga lupa na ito ay handog ng gobyerno na bunga din ng inyong pakikinegosasyon sa ating pamahalaan,” sabi ni Go sa kanyang video message.

Umaasa si Go na magbibigay ito ng inspirasyon sa mga residente na pangalagaan ang lupain at paunlarin ito.

“Asahan ninyo na nandito kami ni Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang ating buong pamahalaan na laging handang tulungan kayo sa inyong pagsisikap … na magkaroon ng isang masagana at magandang buhay,” ayon sa senador.

Bilang pakikiisa sa mga benepisyaryo, ang grupo ni Go ay namahagi ng mga pagkain pagkatapos ng seremonya sa Quarantine Facility sa C6 Road sa Taytay.

Sa isang hiwalay na pamamahagi, ang mga kinatawan mula sa Department of Social Welfare and Development ay nagpaabot naman ng pinansiyal na suporta sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation na bahagi ng mga serbisyong proteksiyon nito para sa mahihirap, marginalized at bulnerable.



Nangako ang senador na patuloy na susuportahan ang mga mamamayan ng Rizal bilang “ampon” ng rehiyon ng CALABARZON.

Siya ay nanumpa na isusulong ang mga katulad na programa, proyekto at mga hakbang na pakikinabangan ng mas maraming komunidad.

“Bilang inyong kuya Bong Go, gagawin ko rin ang lahat ng aking makakaya upang isulong ang mga programa, proyekto at inisyatiba na makatutulong sa kapakanan ninyo at magpapaganda ng estado ng ating bansa. Kami po ni Pangulong Duterte ay naririto at handang magserbisyo sa inyong lahat sa abot ng aming makakaya,” pahabol ni Go.

Saksi sa seremonya sina DENR acting secretary Jim Sampulna, Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Eduardo del Rosario, National Irrigation Administration Senior Deputy Administrator at dating Environment Undersecretary Benny Antiporda, Mayor George Gacula II, at iba pang lokal na opisyal.