Advertisers
PROTEKSIYON sa buhay at kabuhayan ng mga maggagawang bukid, pagsawata sa ismagling at pagbawas sa presyo ng pataba.
Isa ito sa prioridad na aaksiyonan nang mabilis ng gobyerno ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso kung siya ang mahahalal na pangulo sa eleksiyon sa Mayo 2022.
Sa tatlong araw na pagkampanya sa Cagayan region at lalawigan ng Kalinga, ipinaramdam ni Yorme Isko ang pakikiramay sa hirap na dinaranas ng mga magsasaka na labis na pineperwisyo ng ismagling at talamak na importasyon ng mga produktong ani sa bukid.
“Ating pangangalagaan ang mga produktong pang-agrikultura, kapanatagan nyo na mga nagtatanim o nag-aalaga ng hayop ang bibigyang proteksiyon nang makinabang ang inyong mga pamilya,” sabi ni Isko sa mga magsasaka.
Pinuna rin ni Yorme Isko, kandidatong pangulo ng Aksyon Demokratiko — ang masaklap na karanasan ng mga maggagawang bukid sa panahon na sagana ang ani.
“Binabarat naman sila ngayon kasi umaapaw yung bigas sa Pilipinas, kaya kaysa mabulok o hindi na mabili, napipilitan na ibenta nang palugi, kaawa-awa talaga ang kalagayan nila at dapat sila ang unang proteksiyonan ng gobyerno, hindi ang mga traders,… kung wala kayo na nagpapakain sa amin, paano na ang bansa natin?” sabi ni Yorme Isko.
Aniya, dapat ay may balanse sa lahat ng bagay na may mga batas na “maganda ang intensyon pero pagdating sa implementasyon, naaabuso na ng ilang indibidwal at sila lamang ang nakikinabang,” paliwanag ng 47-anyos na alkalde ng Maynila.
Pinansin ni Yorme Isko ang mabilis na pagtaas ng presyo ng pataba na dati ay P900 – P 1,000 lang na ngayon ay P2,500 – P 2,600 na ang halaga.
“Kayo ang lumugar sa buhay ng magsasaka, yumuyuko ka araw-araw sa gitna ng init ng araw. Minsan pagka- minalas-malas ka pa, masasalanta ng bagyo yung pananim mo. So, wala nang kapana-panalo,” aniya.
Iparerebisa rin, pangako ni Yorme ang Rice Tariffication Law (RTL) na dahilan ng importasyon ng bulto-bultong bigas na direktang kumpetisyon at nagpapaba ng presyo ng ani ng mga lokal na magsasaka.
“‘Yan ang commitment namin na iparerebisa ang Rice Tarrification Law, ating ipapataw ang 35 percent import tarrif sa rice imports para hindi maperwisyo ang farmers natin, “sabi ni Yorme Isko kasunod ang paghikayat na iboto ang mga katiket na mga kandidatong senador na gagawa ng mga batas pabor sa magsasaka, mangingisda at mga sektor na kaugnay sa paglikha ng pagkain.
Sa kanyang gobyerno, “pahihirapan natin na mag-import nang mag-import na walang pakundangan,… dadaan sila sa butas ng karayom,” sabi ni Yorme Isko sa magsasaka ng Kalinga.
Suporta ng makabagong teknolohiya at walang luging pautang ang isa sa programang ipatutupad ni Yorme Isko na kabilang sa Team Isko’s 10-point Bilis Kilos Economic Agenda ng kanyang administrasyon kapag pinalad na mahalal na pangulo sa darating na eleksiyon.