Pagtutol ng National Press Club nagbunga; 235 ex-AFP at PNP officials tutol din…MOA NG RAPPLER, COMELEC IBASURA — CALIDA
Advertisers
NAGBUNGA ang ginawang pagtutol ng National Press Club (NPC) sa pinasok na kasunduan ng Commission on Elections (COMELEC) at Rappler Philippines nang totohanin ni Solicitor General Jose Calida ang banta nitong ipatigil ang nasabing memorandum of agreement (MOA) dahil ito ay walang bisa (null and void) sa simula pa lamang.
Nitong Lunes, Marso 7, nagtungo sa Korte Suprema ang mga kinatawan ng Office of the Solicitor General (OSG) upang ihain ang petisyon na humihimok sa korte na agarang ideklarang walang bisa ang MOA, kasabay ng paglalabas ng ‘temporary restraining order’ (TRO).
Matapos lagdaan ng COMELEC at Rappler ang MOA noong Pebrero 24, nagpalabas ng pahayag ng pagtutol dito ang NPC, ang pinakamalaking samahan ng mga aktibong mamamahayag sa bansa.
Ayon sa NPC, pinopondohan ng mga dayuhan ang Rappler na labag sa Saligang Batas, bukod pa sa katotohanan na may rekord ito ng hindi parehas at baluktot na pagbabalita, dahilan upang magkaroon ito ng samu’t saring kaso sa mga korte.
Noong 2018, kinansela ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang rehistro ng Rappler matapos makumpirma ang pagpondo dito ng mga dayuhan na malaking paglabag sa Saligang Batas.
Noon namang Hunyo 2020, hinatulan ng ‘guilty’ ng korte sa Maynila si Rappler chief executive, Maria Ressa, sa kasong cyber-libel o pagsusulat ng mga hindi makatotohanang balita laban sa isang negosyante.
Noong Pebrero 28, nagbabala si Calida sa COMELEC na kokontrahin ng OSG sa korte ang MOA ng komisyon sa Rappler dahil sa mga paglabag sa mga batas.
Binigyan ng OSG ng limang araw o hanggang Marso 4 ang COMELEC upang bawiin nito ang kasunduan, subalit binalewala ito ng komisyon.
“Every Filipino deserves and aspires for a free, orderly, honest, peaceful, and credible elections. However, these constitutional goals cannot be attained if the COMELEC is allowed to continue its void and unconstitutional partnership with Rappler,” ani Calida.
Sa petisyon, inisa-isa rin ng OSG ang mga naging paglabag sa batas ng Rap-pler at Comelec, batay sa mga probisyon ng MOA, dahilan kung bakit kailangan aksyunan ng SC ang hiling nito na ibalewala ang nasabing kasunduan.
Ayon pa kay Calida, mahalagang umaksyon agad ang SC sa petisyon dahil mayroon nalang 63 araw bago ang halalan, habang sa Marso 19 na gaganapin ang presidential at vice-presidential debate na inihanda ng Comelec.
Diin ng OSG, hindi dapat payagan ang Rappler na makisali sa debate dahil isa itong instrumento ng mga dayuhan.
Samantala, 235 retiradong opisyal ng Sandatahang Lakas (AFP), Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine National Police (PNP) na naglingkod sa gobyerno ang naglabas ng manipesto ng pagsuporta sa naging aksyon ng OSG.
Sa kanilang ‘Manifesto for Unity, Peaceful and Honest Election’, nanawagan ang grupo sa COMELEC sa agarang pagbasura ng MOA nito sa Rappler.
Ilan sa mga prominenteng lumagda sa panawagan ay sina Ambassador/VADM Ernesto de Leon, Undersecretary Abraham Puruganan, dating BOC commissioner Nicanor Faeldon, RADM Rodolfo R. Rabago, NBI Regional Director N. Silvino Cinches, LtGen Raul S. Urgello; LtGen Edgardo V. Espinosa, at LtGen. Romeo V. Poquiz.