Advertisers
LUMOBO pa ang bilang ng mga nasawi dahil sa pananalasa ng bagyong Agaton.
Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 224 ang death toll nitong Huwebes ng umaga matapos na madagdagan pa ng mga bagong fatalities mula sa Eastern Visayas na pumapalo na sa kabuuang 202 katao sa naturang rehiyon pa lamang.
Iniulat din ng ahensiya na 17 sa kabuuang bilang ng mga nasawi dahil sa bagyo ay mula sa Western Visayas, tatlo mula sa Davao at dalawa mula sa Central Visayas.
Tumaas din sa 147 katao ang bilang ng mga napaulat na nawawala mula sa dating 111 habang nananatili naman sa walong indibidwal ang naitalang sugatan.
Sa kasalukuyan, tanging ang 18 katao na napaulat ang kumpirmadong namatay at anim ang sugatan.
Bunsod nito, umaabot na sa kabuuang 2,081,011 katao o 599,956 pamilya ang apektado dahil sa pananalasa ng bagyo mula sa mahigit 2,000 barangays sa Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao, Soccsksargen, Caraga, at Bangsamoro.
Samantala, umaabot na sa P257,025,441 ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura at P6,950,000 sa sektor ng imprastruktura.