Advertisers
PARA maresolba ang isyu ng mga pananamantala at pagpapaalis ng mga katutubong Pilipino sa kanilang lupain, target nina presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson at kanyang running mate na si vice presidentiable Vicente ‘Tito’ Sotto III na mabigyan sila ng mga kinatawan sa bawat lokal na pamahalaan.
Ayon pa kay Lacson, bukod sa pagbabantay sa tamang implementasyon ng mga batas para sa mga indigenous people (IP) ay daragdagan niya ang alokasyon ng pondo para sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) upang matulungan ang nasabing sektor na malapit sa banta ng pang-aabuso ng New People’s Army (NPA).
“Alam niyo sa [national] budget? Kakaunti ‘yung kanilang (NCIP) budget. Parang going through the motion… Parang gusto lang nila i-comply ‘yung batas. Dapat implementation… Ang susi po ng marami nating problema [ay maayos na] implementation,” ayon kay Lacson.
“Kaya nagiging vulnerable sila (IP) sa recruitment ng mga NPA (New People’s Army) kasi kina-capitalize ‘yung kanilang mga misery, ‘yung kanilang malulungkot na istorya sa buhay… Palakasin po natin ‘yung ahensya na nangangasiwa sa indigenous peoples sa buong kapuluan,” dagdag niya.
Tinugunan ng tambalang Lacson-Sotto sa isinagawang town hall forum sa San Jose de Buenavista, Antique nitong Miyerkules (Abril 20) ang problema hinggil sa pagpapaalis sa mga miyembro ng IP community sa kanilang lugar.
Ayon kay Lacson, ipinaalam sa kanya ni Mayor Elmer Untaran na ang pangunahing problema ng IP sector sa kanilang bayan ay ang kawalan nila ng kakayahang makakuha ng titulo ng lupa o teritoryo na minana nila sa kanilang mga ninuno, kaya naman napipilitan silang lumipat sa ibang lugar.
Sinabi ng batikang senador na ang NCIP ang pangunahing ahensya ng pamahalaan na nangangasiwa sa paghahanap ng solusyon sa problemang ito. Binuo ang organisasyon sa bisa ng Batas Republika 8371 o ang Indigenous Peoples’ Rights Act of 1997, gayunman hindi ito ganap na napopondohan.
Iminungkahi ni Sotto na dapat magkaroon ng kinatawan ang mga miyembro ng IP sa mga lokal na pamahalaan upang makasama sila sa paghahanap ng akmang solusyon sa problemang kanilang hinaharap. Plano nilang ipatupad ang polisiyang ito sa ilalim ng Department of Interior and Local Government (DILG).
“Meron talagang nakalagay doon sa batas na up to the fourth degree of consanguinity para ma-classify ka as IP at nandoon din sa batas na ipinasa namin na dapat mayroon kayong representasyon sa provincial government, hindi po ba?” ayon sa Senate President.
“‘Pag kami po ni Senator Lacson ang naupo, imamando po namin sa DILG na kailangan lahat ng local government may representative ang IP sa provincial government. ‘Yon po siguradong makakaasa kayo ipapatupad namin,” sabi pa ni Sotto.
Kapwa iginiit nina Lacson at Sotto na ang tamang implementasyon ng mga kaugnay na batas ang pinakamagandang solusyon upang matulungan ang mga komunidad ng IP hindi lamang sa Antique ngunit maging sa iba pang mga lalawigan sa Luzon, Visayas, at Mindanao.