Advertisers
Kasunod ng napakainit na pagtanggap sa Team Isko-Doc Willie ni Bohol Governor Arthur Yap nitong Miyerkoles (Abril 20), masayang pinasalamatan at tinawag niya si Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na “Mr. President.”
Nang hagupitin ng bagyong Odette ang Bohol, mabilis na aksyon at tulong ang ipinadala ni Yorme Isko sa mga mamamayan na hindi malilimutan ng gobernador.
“Mr. President, magandang umaga po. On behalf of the province of Bohol, taos puso po namin kayong tinatanggap sa kapitolyo. On behalf of the people of Bohol dagha pong salamat Sir. Hindi mo kami nakalimutan in the times sa panahon ng bagyong Odette,” sabi ni Gov. Yap kay Isko.
Ikinuwento ng gobernador na ilang araw na tumigil sa Bohol si Yorme Isko na nagpadala ng pagkain, mga ayuda at iba pang gamit sa rehabilitasyon ng mga pininsala ng bagyo.
“Hindi ko po makakalimutan nagdala po kayo ng ayuda, nagdala po kayo ng generators, nagdala po kayo ng financial na tabang. Maraming pong salamat, Sir sa pagbisita. Mainit na mainit ang pagtanggap ng lalawigan po namin, Sir, ” sabi ni Yap.
Disyembre 20, 2021, personal na nagbigay ng paunang tulong na P1-milyon si Yorme Isko, bukod ang apat na generator sets at mga kahon ng pagkain sa mga biktima ng bagyong Odette.
Sa Kapitolyo, sinabi ni Yorme Isko na masaya siya na makatulong sa mga Boholano sa panahon ng kalamidad.
“Masaya po kami na ang Batang Maynila na kahit paano ay nakatulong kami na maibsan ang mga Boholano. Kami naman, just trying to be man for others. We’ll never know, kakailanganin din sa Maynila ang inyong tulong,” sabi ni Yorme Isko.
Pinuri rin niya si Gov. Yap sa mabilis na pagbangon ng Bohol, na tinawag niyang bata, agresibo, mabilis ang isip at mabilis kumilos.
Umaasa siya, sabi ni Yorme Isko na ang buong Team Isko, kasama si vice presidential candidate Dr. Willie Ong at mga kandidatong senador na sina Dr. Carl Balita, Samira Gutoc, Jopet Sison at dating Agrarian Sec. John Castriciones ay makaaakit ng maraming botante at manalo sa eleksiyon sa Mayo.(BP)