Advertisers
HINILING ng Aksyon Demokratiko sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na gawin ang lahat ng makakaya upang makubra ang P203 bilyong Marcos estate tax na hindi pa rin binabayaran ng administrador nito, si dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.
Sa sulat ni Aksyon Demokratiko chairperson Ernest M. Ramel Jr. sa BIR, ipinakiusap niya na kumpiskahin ng gobyerno ang mga bank accounts na nasa pangalan ng namayapang dating Presidente Ferdinand Marcos Sr.
Ito, sabi ni Ramel, kung gagawin ng BIR ay sisiguro na mababayaran ang estate tax na pananagutan ng pamilya Marcos sa pamahalaan.
Sabi sa sulat kay BIR Commissioner Ceasar R. Dulay, hiniling ni Ramel na ipagpatuloy ang paniningil sa utang na buwis, maaaring sa pagsasampa ng mga kasong kriminal o sibil laban sa pamilya ng yumaong diktador Marcos Sr.
Ang dalawang pahinang sulat, petsang Abril 21, ang ikatlo sa unang mga liham na ipinadala ni Ramel kay Commissioner Dulay.
Mula sa dating P23-bilyon, lumobo sa P203-B ang utang sa estate tax dahil sa patong-patong na interes at multa.
Ipinaalaala sa sulat na ayon sa Section 254 and 255 ng Kodigo Penal, maaring maparusahan ng kulong ang sinoman na kusa at tumatangging magbayad ng buwis sa gobyerno.
Mandato ng BIR, ayon kay Ramel, na ipatupad ang batas upang makolekta ang utang na estate tax upang magamit at mapakinabangan ng 110 milyong Pilipino.
Sa maraming pagkakataon, ipinangako ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, kandidatong pangulo ng Aksyon Demokratiko na kokolektahin niya ang P203 billion Marcos estate tax kung siya ang mahahalal na pangulo sa darating na eleksiyon sa Mayo 9.
“Gagamitin po natin na pang-ayuda sa 4.2 million Filipinos who lost their jobs gawa ng pandemya, at itutulong natin sa mga magsasaka, ordinaryong pamilyang Pilipino ang makokolektang P203-billion estate tax,” pangako ni Yorme Isko. (BP)