Advertisers

Advertisers

Legarda: Plano sa climate change, pinalalatag sa mga kandidato

0 315

Advertisers

HINAMON ni Senatorial candidate at House Deputy Speaker Loren Legarda ang lahat ng kandidato na ibahagi ang kanilang plano kung paano mapangangalagaan ang ating kalikasan at tumugon sa isyu ng climate change.

“I urge all my fellow candidates, from the national level to the cities and municipalities, to present their environmental agenda to the voters. We can start by focusing on three things: Managing risks instead of managing disasters, protecting our ecosystems, and improving rural livelihoods,” wika ni Legarda.

Ayon sa dating senadora, dapat na pagtuunan ng pansin ng mga kandidato ang ating kalikasan lalo na’t nararanasan ang masamang epekto ng climate change.



Sa paggunita ng Earth Day kamakailan, nanawagan din si Legarda sa publiko na dapat kumilos bilang ‘Earth Defenders’ o tagapagtanggol ng daigdig sa harap ng mga nagaganap na kalamidad, hindi lang ngayon, kundi gayundin sa hinaharap na epekto ng climate change.

Ayon kay Legarda na kilala bilang kampeon sa pangangalaga ng kalikasan na hindi lang dapat ‘pahalagahan ang daigdig’, kundi dapat mamuhunan ang lahat sa pagsusulong ng isang malinis, masigla at malusog na ‘Mother Earth.’

Hinikayat din niya ang pamahalaan, pribadong sektor at civil society na aktibong makilahok at isulong ang mga programa at proyektong lulutas sa pang-aabuso sa kalikasan, habitat loss o pagkawala ng mga tirahan ng hayop, at pagkasira ng mga komunidad dahil sa polusyon.

Matatandaang noong nasa Senado, si Legarda ang nag-akda ng Republic Act 11038 o Expanded National Integrated Protected Areas System (ENIPAS) Act of 2018.

Sa ilalim ng batas, idineklara ang 94 na lugar sa bansa bilang natural parks, protected landscapes at seascapes.



Kapag nakabalik siyang muli sa Senado ay lalo pa niyang pag-iibayuhin ang mga batas kalikasan para sa mga susunod na henerasyon. (Mylene Alfonso)