Advertisers
ANG makasaysayang desisyon ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), sa pamamagitan ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP), na suportahan ang kandidatura sa pagka-pangulo ni Vice President Leni Robredo ay “boto para sa kapayapaan at progreso sa malaking bahagi ng Mindanao.”
Ganito sinuri ni House Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman ang tinawag niyang “great impact” ng hindi inaasahang pag-endorso ng MILF sa isang kandidato sa pagkapangulo.
Ayon kay Hataman, ang suporta ng MILF kay Robredo ay magkakaroon ng “domino effect” sa lokal na kampanya sa Mindanao para sa pagka-bise presidente dahil sa impluwensya ng organisasyon hindi lamang sa BARMM kung hindi sa buong isla.
“Ang UBJP at MILF na mismo ang nagsabi na si VP Leni ang best partner para ma-sustain ang kapayapaan na tinatamasa natin ngayon sa Mindanao,” ayon kay Hataman.
“Kaya naniniwala kami na ang endorsement na ito ay magkakaroon ng domino effect sa maraming lugar hindi lang sa BARMM kundi pati sa buong Mindanao. Unang-una na dito ay ang pagsuporta ng dating gobernador ng Maguindanao kay VP Leni,” dagdag niya.
Ibinunyag din ni Hataman na habang ang pagmamalupit sa panahon ng Martial Law ay may malaking ambag sa suporta ng MILF, ang kasiguraduhan ng kapayapaan sa Mindanao sa ilalim ng pamumuno ni Robredo ang malaking dahilan ng desisyon.
“Ang suporta nila kay VP Leni ay may diin sa pagtingin sa kinabukasan kaysa sa paglingon sa nakaraan,” ayon sa kongresista. “Yes, what happened in the past is a contributory factor kasi malupit naman talaga ginawa – towns burned, mosques pillaged at napakaraming masaker ng mga Moro,” sabi ni Hataman.
“Pero para sa UBJP at MILF, mas matimbang ang panatilihin ang kapayapaan sa hinaharap. What the future holds is more important, if the interests of the Moros will be protected, if the path of peace is kept, and who can this be entrusted to.”
Nanawagan si Hataman sa MILF na abutin ang kamay ng mga ka-alyado at taga-suporta nito kahit sa labas ng rehiyon para itaguyod pa ang kampanya ni Robredo. Ang kongresista ay umaasa na mas marami pang mga lokal na opisyal mula sa rehiyon ang lalabas at maghahayag ng suporta sa tambalang Robredo-Pangilinan sa eleksyon.
Para naman kay Sen. Antonio “Sonny” Trillanes na ngayon ay tumatakbo sa pagka-senador sa ilalim ng Robredo-Pangilinan tandem, ang pag-endorso ng MILF ay isang pagpapalakas sa kampanya ng bise presidente sa Mindanao.
“Lilinawin lang po natin: ang MILF po ay hindi na grupo ng rebelde at sila na yung namamahala sa BARMM kaya malaki po ang impluwensiya niyan,” sabi ni Trillanes sa isang panayam sa radyo.
“Kaya malaking dagdag po ito kay VP Leni itong nangyari itong sa Muslim Mindanao,” dagdag niya.
Ayon kay Trillanes, ang pag-endorso ng MILF kay Robredo ay mag “neutralize” sa suporta na ibinigay ng mga gobernador ng BARMM kay Bongbong Marcos.
“First time na mababasag yang Muslim Mindanao vote kasi usually sa administration candidate napupunta yan. Ngayon, nahati sila,” aniya.
Sa pagpapaliwanag sa pag-endorso ng MILF, sinabi ni Trillanes na bukod sa mga karahasan ng Martial Law sa ilalim ng diktadurya ni Ferdinand Marcos Sr., hindi rin sumang-ayon sa Bangsamoro Basic Law si Bongbong Marcos noong siya ay senador pa at chairman ng Senate committee on local government.