Advertisers
Ni NONIE V. NICASIO
LAGING present sa lahat ng ginagawang pag-iikot ng tambalang Bongbong Marcos at Sara Duterte ang AGIMAT Partylist na palaging nakawagayway ang mga posters saan mang sulok ng bansa ganapin ang mga pagtitipon.
Ang Agimat Partylist na buo rin ang suporta sa tambalang BBM-Sara. Hindi rin pinababayaan ng pinakamalakas na kandidato sa pagkapangulo at ikalawang pangulo ang naturang partylist na kanila ring ikinakampanya para mahalal sa papalapit na eleksiyon.
Nabatid na ang first nominee ng Agimat Partylist ay si Bryan Revilla, panganay na anak ng mag-asawang Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. at Bacoor City Mayor Lani Mercado-Revilla na malaki ang partisipasyon para mabuo ang tambalang BBM-Sara.
Matatandaang kamakailan lamang ay ikinasal ang anak na babae ni Sen. Bong na ginanap sa kanilang farm sa Silang, Cavite na dinaluhan nina BBM, Sara at iba pang personalidad sa pUlitika na kasabay nito ay nabuo ang tambalang BBM-Sara.
Ang Agimat ng Masa na mahigit ng isang dekadang itinatag na siyang nangunguna sa pagtugon sa mga biktima ng kalamidad at iba pang problema na kailangan ng mabilis na pagtugon at dahil sa hiling ng mga natulungan nito ay tuluyan na itong ginawang Agimat Partylist at #90 sa balota.
“Kung mabibigyan kami ng pagkakataon ay patuloy na isusulong ng Agimat ang multi-sectoral na pamamalakad sa pamamagitan ng paglahok sa pagbuo ng mga polisiya para tugunan ang pangangailangan ng bawat sektor at hindi natin ito maisasakatuparan kung wala tayo sa Kongreso” paliwanag pa ni Bryan.
Idinagdag pa ni Bryan na mula sa mga manggagawa, maging sa pribado man o pampublikong tanggapan, magsasaka, mangingisda, propesyonal, mga maliliit hanggang malaking negosyante, mga nakatatanda, kabataan at maging ang may kapansanan o PWD ay bibigyan ng kaukulang pansin.