Advertisers
Nalapnos ang mukha at iba’t ibang bahagi ng katawan ng isang babae nang sabuyan ng asido sa Malolos, Bulacan.
Kinilala ang mga biktima na sina Franchesca at Janna Clemente na pawang magkapatid.
Sa ulat, ipinakita ang kuha sa CCTV camera habang naglalakad ang magkapatid noong nakaraang Linggo.
Kapansin-pansin ang riding in tandem na tila sinusundan sila. Maya-maya lang, bumaba sa motorsiklo ang isang salarin at lumapit sa magkapatid at may isinaboy na asido.
Kaagad na tumakas ang salarin at sumakay muli sa motorsiklo.
Higit na nabuhusan ng asido si Franchesca na nagtamo ng mga paso sa mukha, bahagi ng kanang mata at katawan.
“‘Yung ate ko po nakatakbo agad, nagsisigaw pa yung ate ko. Ako po kasi nakapag-stay pa ko ng mga 30 seconds kasi naramdamang ko yung mata ko nasusunog,” kuwento ng biktima.
“Wala po akong maisip na … wala akong … di po ako palalabas ng bahay. Sobrang random po kasi unang una po bakit kami?” patuloy niya.
Maging si Janna, hindi rin lubos maisip na mangyayari sa kanila ang insidente.
Nasa maayos na kalagayan na ang magkapatid nang magamot. Gayunman, hangad ng kanilang pamilya na mapanagot sa batas ang mga salarin.
“Kahit na sa hinagap, di namin lubos maisip sinong gagawa niyan. Kung sino ka man parang awa mo na sumuko ka na. Ano bang nagawang kasalanan sa inyo ng sinabuyan mo?” ani Marilou Marcelino, mother-in-law ni Franchesca.
Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang mga salarin.