Advertisers
MATAGUMPAY na tumulak ang Caravan ng Pamana ni Pangulong Duterte kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Manggagawang Filipino nitong nakaraang Linggo.
Sa pangunguna ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Philippine National Police (PNP), sa pakikipag-ugnayan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), ang pagdaraos ng ‘Duterte Legacy: Barangayanihan Caravan’ nitong Linggo sa may People Power Monument sa Quezon City ay simula pa lamang ng pagpapa-alam sa bayan ng mga magagandang nagawa ng Pangulo na maituturing niyang pamana sa kanyang mga kababayang Filipino.
May temang, ‘Pagkakaisa ng Mamamayan at Pamahalaan Tungo sa Pagbangon, Kapayapaan at Kaunlaran,’ ang Duterte Legacy Caravan kasama ang NTF-ELCA ay nakiisa rin sa bayan sa pagkilala sa mga manggagawang Filipino sa pagdiriwang ng ‘National Labor Day’.
Ayon nga kay NTF-ELCAC vice-chairman, National Security Adviser Secretary Hermogenes Esperon, ang pagdiriwang at ang caravan ay para maipakita ang mga nagawa at pagsisikap ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na gamitin ang “whole-of-nation approach” o ang pagsasama-sama ng lahat upang labanan ang terorismong dulot ng mga komunistang-terorista.
“Ito ang pamana ni Pangulong Duterte at regalo na dudugtungan pa ng mga serbisyo publiko ang mga kababayan nating mga Filipino, lalo na ang hanay ng mga manggagawa na lagi niyang tinatanawan ng malaking utang na loob dahil sa kanilang tulong sa ekonomiya ng bansa,”paliwanag ni Esperon.
Dagdag pa ng kalihim, naniniwala si Pangulong Duterte na ang kanyang ‘whole-of-government approach’ ang magsisilbi sa mga manggagawa at sa kanilang mga pamilya, maging sa komunidad na kanilang kinabibilangan.
Ito rin aniya, ang nakapagbigay ng tunay na kapayapaan at kaayusan upang mapalaya sila sa mga karahasan ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
“Naririto po ang pamahalaan hindi lamang para matiyak na may maayos kayong kabuhayan kundi kaagapay ninyo sa pagtataguyod ng inyong pamilya at pamayanan. Kaisa ng lahat ng manggagawa ang pamahalaan sa kanilang pagpupunyagi. Dahil ikinararangal natin at pinahahalagahan ang mga manggagawang Pilipino,” ang sabi pa ni Esperon.
Kasama sa pagdiriwang at iikot na caravan ang mga sangay ng pamahalaan gaya ng Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Health (DoH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Agriculture (DAR) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).