Advertisers

Advertisers

Pagsasara ng e-sabong suportado ni Bong Go

0 324

Advertisers

SUPORTADO ni Senator Christopher “Bong” Go ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na itigil ang online cockfighting o e-sabong operations sa Pilipinas.

“Pinag-aaralan po ni Pangulong Duterte syempre kung ano ‘yung cost over benefit nito, ‘yun po ‘yung lumabas sa survey ng DILG (Department of the Interior and Local Government) at marami hong sumasang-ayon… dito rin po ang pinagbabasehan ng ating mahal na Pangulo,” ani Go sa panayam.

Naniniwala si Go na ang hakbang ni Duterte ay para sa ikabubuti ng mamamayang Pilipino at idinagdag na ang mga operasyon ng e-sabong ay maaaring makasama sa mga pamilyang Pilipino dahil sa mga isyung panlipunan na kaakibat nito tulad ng pagsusugal at ang epekto nito sa kapayapaan at kaayusan kamakailan.



“Mas alam po ni Pangulong Duterte (na) ang kanyang desisyon ay desisyon po (para) sa kabutihan ng nakararami,” ani Go.

“Kasi marami pong mga nalululong lalo na po ‘yung mga pinaghirapan nilang pera. So gusto ng Pangulo na dalhin niyo na lang po sa inyong mga pamilya ‘yung pera na inyong kinikita, huwag niyo hong aksayahin sa sugal,” dagdag niya.

Nang tanungin kung ang nag-viral na kuwento ng isang ina mula sa Pasig City na isinangla ang 8-buwang gulang na anak na babae sa halagang P45,000 upang bayaran ang utang sa e-sabong ay isang salik sa desisyon ni Duterte, sinabi ni Go na maaaring nakaimpluwensya ito nang madismaya ang Pangulo sa pangyayari.

“Isipin mo pati anak mo ibebenta mo para lang makapagsugal. Mahirap naman ‘yon. Tayo nga pinaghirapan natin ang anak natin, palakihin natin habang nasa tiyan ng nanay ‘yan, pinapalaki, pinapakain mo, pinagsisikapan mayroon kayong maipangtustos para lumaki ‘yung anak mo. Ngayon ibebenta mo?” sabi ni Go.

Sinabi ng senador na mabigat ‘yung isyung panlipunan ukol dito kaya binabalanse po ng Pangulo ang epekto nito.



Sa kanyang Talk to the People noong Mayo 2, sinabi ni Duterte na ang buwanang kita na nalilikha ng mga aktibidad ng e-sabong ay hindi katumbas ng pinsala sa lipunan na dulot ng aktibidad ng pagsusugal.

Nauna nang inatasan ng pangulo ang DILG na tingnan ang mga operasyon ng e-sabong na binanggit ang mga ulat ng mga taong nagsasangla ng kanilang mga ari-arian para lamang maglaro ng sikat na larong sugal.

Noong Abril 19 at 20, nagsarbey ang ahensya sa mahigit 8,400 katao kung saan 62% ang nagnanais na wakasan ang e-sabong.

Binatikos din ang mga operasyon ng e-sabong kasunod ng napaulat na pagkawala ng mga sabungero (tagapusta/watchers ng sabong).

Ito ay humantong sa isang resolusyon ng Senado, na nilagdaan ni Go, na humihiling sa Philippine Amusement and Gaming Corporation na i-freeze ang mga lisensyang e-sabong na iginawad nito hanggang sa malutas ang mga kaso.

Hiniling din ni Go sa Philippine National Police, National Bureau of Investigation, at iba pang kinauukulang ahensya na aksyunan ang usapin at lutasin kaagad ang mga kaso.

Samantala, hinimok ni Go ang kanyang mga kapwa mambabatas na maghanap ng mga paraan kung paano i-regulate ang mga katulad na aktibidad sa pagsusugal upang matiyak na ang mga negatibong epekto nito sa lipunan ay matutugunan.