Advertisers

Advertisers

“Walang P15B utang ang Maynila. Wag linlangin ang mga taga-Maynila” – Sec. to the Mayor Bernie Ang

0 269

Advertisers

WALANG P15-bilyong utang ang Maynila. Wag linlangin ang mga taga-Maynila.

Ito ang deklarasyong ginawa ni Secretary to the Mayor Bernie Ang, kasabay ng sabi na nakakatawa ang pinakakalat ng mga kalaban sa pulitika na may utang na P15 bilyon ang lungsod ng Maynila at saan daw ito napunta.

“ ‘Yan na nga ba ang sinasabi ko. Ang mga taong walang utak, putak lang nang putak kahit di naiintindihan ang kanilang pinagsasasabi. Makapanira lang,” ani Ang.



Ipinaliwanag ni Ang na dahil sa dami ng magandang proyektong ipinatupad ng administrasyong pinamumunuan nina Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna, nag-aalok ang Development Bank of the Philippines (DBP) at ang Land Bank of the Philippines ng loan o pinauutang ang lungsod ng Maynila kung kakailanganin nito.

Aniya, nasa P15 bilyon ang inaprubahang loan o maaring utangin mula sa DBP. ‘Yung P5 billion, 20 years to pay na may grace period na dalawang taon. Ang diperensiyang P10 billion naman ay 15 years to pay na may grace period din na dalawang taon.

“Inuulit ko, maaring utangin ang P15 bilyon pero hindi pa ito inuutang,” dagdag ni Ang.

Sa kabila niyan, sinabi niya na nasa P4.5 bilyon lamang ang halagang na-release as of April 30, 2022.

Ang naturang P4.5 bilyon na nai-release ng DBP nuong Abril ay inilaan umano ng pamahalaang-lokal para sa tatlong housing projects — ang Tondominium 1, Tondominium 2 at Binondominium, pati na din para sa paggawa ng Bagong Ospital ng Maynila at Bagong Manila Zoo.



“Sa kabilang banda, bagamat 10-bilyon naman ang approved loan ng pamahalaang-lungsod mula sa LBP, nasa P2.8 bilyon lamang ang hihiramin pa lamang ng lungsod sa LBP. Inuulit ko, hihiramin pa lamang,” paliwanag ni Ang.

Mula sa nasabing halaga, ang P1.8 bilyon ay nakalaan sa mga hospital equipment at ang P1 billion ay para naman sa “Land for the Landless Program.”

“Hindi sa mga loan na ‘yan kinuha ang budget para sa mga ayuda at sa pagpapatayo ng Manila COVID-19 Field Hospital na pinakikinabangan ng mga pasyenteng may COVID ke taga-Maynila man sila o hindi,” dagdag ni Ang.

Samantala, pinagtawanan din ni Ang ang umano ay pagkuwestiyon ni Alex Lopez sa pagsasagawa ng canvassing ng mga boto sa session hall ng Maynila sa oras na matapos na ang eleksyon sa Mayo 9.

“Teka muna. Akala ko ba ay abogado daw siya, sabi niya? Bakit hindi niya alam na nakasaad sa batas na ang canvassing ay talaga namang sa session hall ginagawa? Talaga naman, oo,” ani Ang. (ANDI GARCIA)