Advertisers
NANGAKO si Senator Christopher “Bong” Go na patuloy na pagsisilbihan ang interes ng mamamayang Pilipino sa pagsisimula ng bagong administrasyon kasabay ng panghihikayat sa mga kapwa senador na magtulungan upang makamit ang mga layunin ng bansa.
“Maging majority, maging minority ka, iisa lang naman po ang aking interes at iisa lang po ang aking amo. Ang amo ko po ay iyong taumbayan, mga Pilipino. Interes ng Pilipino, interes ng kababayan natin ang ipaglalaban ko,” sabi ni Go sa ambush interview matapos ayudahan ang mga nasunugan sa Tondo, Maynila.
“Kahit saang grupo po ako mapunta, o kahit mag-isa lang po ako ipaglalaban ko po lalung-lalo na po ‘yung mga mahihirap po – ‘yung mga walang matakbuhan na mga kababayan natin,” aniya.
Nang tanungin kung masisira ang kredibilidad ng Senado sa katotohanang magkakapamilya ang ilang senador, sinabi ni Go na iginagalang niya ang kagustuhan ng mamamayang Pilipino. Naniniwala rin siyang indibidwal na may kakayahan ang mga kapwa niya senador anuman ang kanilang relasyon sa pamilya.
“Eh ‘yan naman po ang pinili ng taumbayan, wala po tayong magagawa doon. Eh ‘yun po (ang demokrasya)… Nandidiyan na po ‘yung resulta at mga dati naman pong senador ‘yung iba sa kanila. And I’m sure very competent naman po (sila),” ani Go.
Sinabi pa ni Go na sa kabila ng pagbabago ng administrasyon, patuloy niyang pagsisilbihan ang sambayanang Pilipino sa abot ng kanyang makakaya.
“Ako po ulitin ko, ang bisyo ko po ay magserbisyo sa taumbayan. So hindi po ako titigil sa pagseserbisyo. Bagama’t kumakaunti na po ‘yung kakayahan kong makapagserbisyo o tumulong dahil unang-una wala na po si Pangulong Duterte,” ani Go.
“Iba po ‘yung noon dahil marami kang malalapitan kaagad at mapaparating mo kaagad ‘yung mga hinaing ng kababayan mo dahil ang execution talaga ng tulong ng gobyerno, ‘yung aksyon ng gobyerno ay mula sa Executive. Madali kong malapitan dahil mga kasamahan ko noon.”
Nang hingin ang kanyang payo para sa mga bagong senador, binigyang-diin ni Go na ang lahat ay dapat tratuhin bilang pantay-pantay. Hinimok niya silang magtrabaho nang maayos sa Senado at unahin ang pagtulong sa mga Pilipino lalo na ang mga naapektuhan ng pandemya.
Hinikayat din niya ang mga mambabatas na suportahan at ituloy ang mga patakarang magbibigay ng mas komportableng buhay para sa lahat ng Pilipino upang patuloy na makamit ang bisyon ng administrasyong Duterte sa mga susunod na taon.
“Magtulungan po tayo, unahin po natin parati ‘yung interes ng kararamihan at interes po ng mahihirap (tulad nitong mga nasunugan), tulungan po natin sila,” pahabol ni Go.