Advertisers
ARESTADO ang tatlo katao sa entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District kaugnay sa reklamo ng ‘investment scam’.
Sa operasyong inilatag ni CIDU chief, Lt. Colonel Mark Julio Abong, 8:30 ng gabi ng Hulyo 1, 2022, nasakote ang sina Glazen Joi Rodriguez y Bundalian, 25 anyos; at Adrian Manalo y Pinto, 25; kapwa naninirahan sa #100 Interior St., Bagong Bayan South, Navotas City; at Michael Angelo Bundalian y Naval, 27, ng Upper Smokey Mountain, Balut, Tondo, Maynila.
Sa ulat ni Abong kay QCPD District Director Remus Medina, mabilis na naiplano ang operasyon matapos maghain ng kaniyang sinumpaang salaysay sa CIDU sa nabanggit na petsa ang binibiktima ng mga suspek na si Vicente Homer Revil y Bajar, 50, isang abogado, ng 59 Guatemala Street, Loyala Grand Villas, Malanday Marikina City.
Batay sa reklamo ng biktima, nagpanggap na mga importer ng frozen meat at may fishpond pa umano ang mga scammer na kumukuha ng investment.
Sa operasyong pinangunahan ni PEMS Romel Merino, OIC General Assignment Section, huli sa akto ang tatlong suspek sa loob ng itim na sasakyan ng mga ito na Mitsubishi Mirage (NFQ 2511) sa kahabaan ng Maginhawa St., Barangay Teacher’s Village, Quezon City.
Nakumpiska sa mga suspek ang isang hand grenade, isang kalibre .38 revolver na walang serial number at may6 bala, 2 tig-isanlibong perang papel kasama ang marked at boodle money, pasaporte nina Bundalian at Pinto, mga ID at ATM.
Ang mga suspek ay isinailalim muna sa routine physical examination sa Quirino Memorial Medical Center bago sinampahan ng kaukulang mga kaso sa piskalya.