Advertisers
MAYROONG P12.79 trillion outstanding debt ang national government sa pagtatapos ng termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte nitong Hunyo – ito habang nangangako ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na uutang nang mas maliit.
Ang halagang ito ay mas mataas kumpara sa P12.76 trilyong record-high na utang na naitala nitong Abril 2022.
“[National Government’s] debt portfolio climbed by P296.06 billion or 2.4% in June due to the net issuances of domestic and external loans as well as currency adjustments,” pahayag ng Bureau of Treasury nitong Biyernes.
Kung hahatiin, ang utang panloob ng Pilipinas ay nasa P8.77 trilyon o 68.5% habang ang utang panlabas ay nasa P4.02 trilyon o 31.5%)
Ang mga pagkakautang sa loob ng bansa ay P101.66 bilyong mas mataas kaysa noong pagtatapos ng Mayo o 1.2% na pagtalon. Umabot naman sa 5.1% (P194.4 bilyon) ang itinaas ng external debt nitong Hunyo.
“For June 2022, the increment in external debt was attributed to the impact of local currency depreciation against the USD amounting to P186.94 billion and the net availment of external financing amounting to P43.18 billion; offsetting the P35.72 billion effect of net depreciation against the US dollar on third-currency denominated obligations,” ayon pa sa Treasury.
Nitong Hulyo 12 nang maranasan ng Philippine Peso na sumadsad sa pinakamababa nitong halaga kumpara sa US Dollar, kung saan pumalo sa P56.45 ang katumbas ng $1. Natumbasan niyan ang record-low na naitakda noong ika-14 ng Oktubre taong 2004.
Pero, naka-recover ito noong parehong araw nang magsara ito sa P56.37. Sa kabila nito, ito ang “worst performance” ng piso simula Nobyembre 2004.
Kaugnay nito, sinabi ni Budget Secretary Benjamin Diokno sa kanyang post-State of the Nation Address economic briefing na desidido ang administrasyong Marcos na paliitin ang paghiram ng gobyerno, lalo na’t may “fiscal space” na raw ito para pondohan ang mga ambisyosong proyekto.
“The implication is clear: we do not have to borrow as much as we did during the crisis years,” ayon kay Diokno.
“What we inherited from the Duterte administration is a much better tax system. They did a lot of reforms so that itself will give us additional revenues, plus we have additional measures.”
Sa halip aniya na magpataw ng mga panibagong buwis, pagtutuunan na lang daw ng pansin ng gobyerno ang mas mainam na tax administration para kumita at magamit ito sa pagpondo ng mga programa.
Kamakailan lang nang iutos ni Marcos Jr. ang pag-“rightsize” ng gobyerno sa layuning makagampan nang marami habang gumagamit nang mas kakaunting pera.