Advertisers

Advertisers

Senior citizens database sa Caloocan, nilinis

0 650

Advertisers

Lumilipat ang Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) mula sa pagkakaroon ng manual patungong digital database, sa ilalim ng direktang tagubilin ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan upang magbigay ng mas epektibong pamamahagi ng mga benepisyo at pangkalahatang mas mahusay na serbisyo sa mga senior citizen.

Sa ngayon, 66,034 senior citizens ang nakarehistro sa online database ng OSCA, na bumubuo ng 39.54% ng kabuuang census ng lungsod na 167,000 dating nakarehistrong seniors.

Ayon kay OSCA Officer-in-charge Marilyn De Jesus, na layunin ng nasabing digitalization na maisaayos at linisin ang kasalukuyang database na ginagamit na simula noong 2014. Dahil dito, maaaring tanggalin sa nasabing listahan ang mga pumanaw na, permanenteng lumipat sa ibang lungsod o ang may double entry.



Binigyang-diin ni Mayor Along Malapitan ang pangangailangang pagtuunan ng pansin ang mga programa para sa mga senior citizen, na nagbibigay sa kanila ng higit pang mga pakinabang bukod sa kanilang ipinag-uutos na benepisyo. Hinikayat din ni Along ang mga senior citizen na maging maagap at magparehistro para madaling matanggap ang kanilang mga benepisyo.

“Tulad po ng lagi nating sinasabi, mahalaga para sa atin ang mga senior citizens at dapat pong maramdaman nila ito sa mga programa ng pamahalaan. Kaya naman hinihikayat ko po kayo, mga lolo at lola, magparehistro po kayo para mas mabilis niyong matanggap ang inyong mga benepisyo,” wika ni Along.

Maaaring ma-access ang nasabing registration sa pamamagitan ng link na ito: bit.ly/CaloocanSenior. Nakipagtulungan din ang OSCA sa lahat ng 188 Barangay ng lungsod upang mapabilis ang proseso at matulungan ang mga senior citizen sa panahon ng pagpaparehistro.

Sa ginanap na flag raising ceremony nitong linggo, nanawagan si Mayor Malapitan sa Sangguniang Panlungsod na ipasa ang ordinansang nagbibigay ng P500 cash gift para sa mga senior citizen bilang karagdagan sa kanilang birthday package.

“Sa ating konseho, sana’y maipasa na po natin ang ordinansa para sa cash gift ng ating senior citizens. Sa oras na malinis natin ang database, agad tayong magsisimula ng distribusyon,” pahayag ni Mayor Along.



Bukod sa mga nakasaad na benepisyo, may access din ang mga senior citizen sa Caloocan sa libreng wheelchair, tungkod at saklay gayundin ng tulong medikal at laboratoryo. Bukod dito, tumatanggap din ang mga centenarian ng cash gifts at recognition bukod pa sa P100,000 na nakalaan sa R.A. 10868.(BR)