Advertisers

Advertisers

BONG GO: HUSTISYA SA ‘PINAS NAPAKABAGAL

0 354

Advertisers

Inihain muli sa Senado ni Senator Christopher “Bong” Go ang Senate Bill No. 1186 na naglalayong lumikha ng mga karagdagang dibisyon sa Court of Appeals (CA) para mas mapahusay ang sistema ng hudikatura.

Aamyendahan nito ang Batas Pambansa Bilang 129, kilala rin bilang Judiciary Reorganization Act.

Binigyang-diin ni Go na ang bawat Pilipinong nahaharap sa mga kasong ligal ay may karapatan sa mabilis na paglilitis at disposisyon ng mga kaso.



Ipinaliwanag niya na ang iminungkahing panukala ay makatutulong upang maiwasan ang pagkaantala sa pangangasiwa ng hustisya.

Muling iginiit ng senador na kadalasang nalalabag ang karapatan sa mabilis na paglilitis at disposisyon ng kaso dahil sa hindi inaasahan o sinasadyang pagkaantala.

“Let us strengthen the role and functions of our judiciary. Napakarami pong mga kaso na hindi agad-agad nareresolba dahil hindi po ito agarang naaaksyunan at nabibigyang pansin,” sabi ni Go.

Sinabi ni Go na ang mga problema pagkaantala sa pagdedesisyon at pagresolba ng mga kaso ay nagpapababa sa tiwala ng publiko sa sistema ng hustisya ng bansa.

Kaya naman ang batas na kanyang isinusulong ay magbibigay ng mas maaasahan, walang kinikilingan, at mabilis na paghahatid ng hustisya.



Binigyang-diin ni Sen. Go na kailangang ayusin ang CA lalo’t maraming kaso ang bumabara sa mga docket ng korte sa apela.

Binanggit niya na ang isang mabagal at sobrang bigat na sistema ng hustisya na ipinakita sa isang dekadang kaso ng Maguindanao massacre ay nagbunsod sa kanya na isulong ang nasabing panukala.

“Hindi ko masisisi ang mga Pilipino na tumatakbo sa Pangulo para humingi ng hustisya. Dahil minsan ay nawawalan sila ng pag-asa sa napakabagal na justice system natin sa bansa,” sabi ni Go.

Sa kanyang panukala, nais niyang magdagdag ng tatlo pang dibisyon ng Court of Appeals, bawat isa ay may tatlong miyembro at permanenteng istasyon ng mga dibisyon.

Ang unang 17 dibisyon ay ilalagay sa Lungsod ng Maynila para sa mga kaso na magmumula sa ika-3 hanggang ika-5 Judicial Region, habang ang susunod na tatlong dibisyon ay ilalagay sa Cebu City para sa mga kaso na magmumula sa ika6 hanggang ika-8 Judicial Region.

Ang mga division 21st hanggang 23rd ay ilalagay sa Cagayan de Oro City para sa mga kaso na mula sa 9th at 10th Judicial Regions, at ang 24th Division ay sa Vigan City na haharap sa mga kaso mula sa 1st at 2nd Judicial Regions.

Panghuli, ang 25th at 26th Divisions ay ipoposisyon sa Davao City para sa mga kaso na mula sa 11th at 12th Judicial Regions. Sa pangkalahatan, epektibo nitong pinapataas ang bilang ng mga mahistrado ng CA mula 69 hanggang 78.

Sa panukalang batas, inaatasan din ang CA na magsagawa ng tuluy-tuloy na mga paglilitis at pagdinig at, “dapat kumpletuhin sa loob ng tatlong buwan maliban kung pinalawig ng Punong Mahistrado ng Korte Suprema.”

Tiwala si Go na ang kanyang panukala ay magbibigay ng mas mabilis at mas mahusay na sistema sa hudikatura sa bansa.

“Sabi nga nila, justice delayed is justice denied. Siguraduhin nating mabigyan ng hustisya ang bawat kasong nakasalang sa ating mga korte sa mabilis at patas na paraan,” apela ni Go.