Advertisers

Advertisers

Senior citizens sa Caloocan City, inayudahan ni Bong Go

0 204

Advertisers

Muling idiniin ni Senator Christopher “Bong” Go, tagapangulo ng Senate committee on health and demography na dapat patuloy na palakasin ang bayanihan para sa mas mabilis at mas matatag na pagbangon ng bansa mula sa pandemya.

Sa relief operations na isinagawa ng kanyang grupo sa mga senior citizen ng Barangay 20, 58, at 103 sa Caloocan City, hinimok ni Go ang nasa higit 400 benepisyaryo na manatiling mapagbantay at disiplinado sa kabila ng unti-unting pagluwag ng mga paghihigpit laban sa COVID-19 sa bansa.

Ipinaalala din niya, lalo sa mga hindi pa nababakunahan na magpartisipa sa national vaccination program ng gobyerno sa pagsasabing ang bakuna ang tanging susi o solusyon para makabalik sa normal ang pamumuhay ng bawat isa.



“Nakikiusap din po ako sa mga local government units, sa ating national government, magtulungan po tayo. Kung kailangan po, suyurin natin ‘yung mga senior citizens at PWDs para po protektado sila,” ani Go.

Isinagawa ng pangkat ng senador ang pamamahagi ng mga tulong sa barangay hall ng Brgy. 22. Namigay din sila sa mga piling indibidwal ng mga bagong pares ng sapatos, computer tablet at bisikleta.

Ang mga kinatawan naman ng Department of Social Welfare and Development ay nagbigay ng tulong pinansyal sa mga residente.

“Alam ko pong mahirap ang panahon ngayon, nasa krisis tayo dulot ng COVID-19. Magtulungan lang tayo, magbayanihan ho tayo at magmalasakit po tayo sa ating kapwa Pilipino,” idiniin ni Go.

Hinikayat ng senador ang mga benepisyaryo na gamitin ang serbisyo ng Malasakit Centers sakaling kailanganin ang tulong medikal.



Ikinuwento ang kanyang mga karanasan sa pagtatrabaho sa mga mahihirap na pasyente sa Davao City noong alkalde pa si dating Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni Go ang pangangailangang tugunan ang mga problemang pinansyal na kinakaharap ng mga pasyente upang makatanggap sila ng kinakailangang medikal na atensyon.

“Nung mayor pa si (dating) Pangulong Duterte, marami po ang lumalapit sa kanya sa Davao City Hall na nanggagaling pa as far as General Santos, Zamboanga, o Surigao para humingi ng tulong sa kanilang pampa-ospital. Sabi ng Commission on Audit, hindi daw pwede gamitin ang pera ng Davao City dahil hindi sila residente,” ani Go.

“Kaya doon ko nakita ‘yung puso ni (dating) Pangulong Duterte sa mga mahihirap. Dahil hindi n’ya po matiis na tanggihan itong mga pasyenteng ito, dahil para sa kanya, Pilipino rin po ang mga ito… sabi niya — hanapan mo ng paraan ‘yan. Hindi na ako uupo dito sa city hall kung hindi ko sila matutulungan. Doon ho nag-umpisa ‘yung konseptong Malasakit Center,” ang gunita ng senador.

Upang matugunan ito, si Go, sa kanyang unang anim na buwan bilang senador, ay nag-akda at nag-sponsor ng panukalang batas na naging Republic Act No. 11463, o mas kilala bilang Malasakit Centers Act of 2019.

“Nasa loob na po ng ospital ang apat na ahensya ng gobyerno — PhilHealth, PCSO, DOH, at DSWD na handang tumulong sa inyong magiging zero-balance ang bill ninyo. Para po sa Pilipino ang Malasakit Center, sa poor and indigent patients po,” pagdidiin niya.

“Hindi niyo na kailangan pumila o umikot pa sa iba’t ibang opisina para humingi ng tulong pampagamot. Nasa isang kwarto sa loob ng ospital na po. Lapitan niyo lang, inyo po iyan. Ang Malasakit Center ay para sa mga mahihirap at indigent patients,” anang mambabatas.

Mayroon na ngayong 151 Malasakit Centers sa buong bansa. Ang Malasakit Center sa Caloocan City ay matatagpuan sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital.

Noong nakaraang buwan, pinuri ni Go ang pagsasabatas ng panukalang nagdaragdag sa social pension ng mga mahihirap na senior citizens.

“Isa sa mga malubhang tinamaan ng pandemya ay ang ating mga senior citizens. Alam naman natin na sila ay isa sa mga high risk sa COVID-19 at sa iba pa pong sakit. Kaya itong pagtaas ng kanilang pensyon ay, kahit na anumang halaga, sigurado akong malaking tulong na sa kanila,” ayon kay Go na siyang co-author ng nasabing batas.