Advertisers
BINAHA ang Ilang lugar sa lungsod ng Maynila nitong Sabado bunsod na rin ng malalakas na pag-ulan na naranasan sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.
Dahil dito, kaagad namang nagkaloob ng libreng sakay ang pamunuan ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRMMO) at Manila Police District (MPD) para sa mga istranded na pasahero.
Ayon kay Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Manila Mayor Honey Lacuna, ang libreng sakay ay mula Vito Cruz, Taft Avenue hanggang Monumento at Welcome Rotonda at Divisoria.
“Libeng Sakay also currently implemented. Salamat po and ingat po lahat!” sabi ni Abante.
“Libreng Sakay po under MDRRMO and MPD po. Vito Cruz, Taft Avenue po to Monumento Welcome Rotonda po saka Divisoria,” dagdag niya.
Batay sa ulat ng MPD at MDRRMO na ibinahagi ni Abante, nabatid na hanggang alas-12:00 ng tanghali ng Setyembre 3, 2022, kabilang sa mga lugar na may baha ay ang Dimasalang/Aragon St. at Rizal Avenue/Recto na sakop ng MPD-Sta. Cruz Police Station (PS-3); at Ramon Magsaysay Blvd/Altura at España/Blumentritt na sakop ng MPD-Sampaloc Police Station (PS-4).
Baha rin sa bahagi ng Union St. at Peñafrancia corner P. Gil, Paco at Taft Avenue corner Padre Faura to UN Ave (Northbound), na sakop ng MPD-Ermita Police Station (PS-5); at A. Francisco to Tejeron, Quirino to P. Gil, at Pasigline to Sagrada Pamilya to A. Francisco, na sakop ng MPD-Sta. Ana Police Station (PS-6).
Binaha rin ang bahagi ng Jose Abad Santos/Antipolo St. at Jose Abad Santos/Tayuman St., na sakop naman ng MPD-Jose Abad Santos Police Station (PS-7); at Pedro Gil corner P. Quirino, Paco PNR Station, at P. Quirino northbound corner Tomas Claudio na sakop ng MPD-Pandacan Police Station (PS-10).
Baha rin sa Main Road ng Brgy. 649, Baseco Compound, sa Port Area, na sakop ng MPD-Baseco Police Station (PS-13) at Bilibid Viejo tapat ng San Sebastian Church na sakop naman ng MPD-Barbosa Police Station (PS-14).
Ayon sa MPD, ang mga naturang lugar ay pawang nakaranas ng mga pagbaha ngunit nananatiling passable naman sa lahat ng uri ng sasakyan. (ANDI GARCIA)