Advertisers

Advertisers

Sen. Poe pinasisilip sa Senado ang serye ng kidnapping sa M. Manila at Luzon

0 189

Advertisers

NAKATAKDANG maghain ng isang resolusyon si Senador Grace Poe na humihiling sa Senate committee on public order and dangerous drugs na magsagawa ng imbestigasyon sa sinasabing sunud-sunod na kidnapping, hindi lamang sa Kamaynilaan kundi maging sa ibang panig ng Luzon.

Binanggit ni Poe na iniulat ni Philippine Chinese Chamber of Commerce and Industry Inc. (PCCCII) President Lugene Ang na may 56 kidnapping incidents na ang kanilang naitala na kinabibilangan ng ilang Filipino at Chinese nationals kasama pa ang mga bata. Wala pa sa bilang ang hindi naiulat na mga insidente.

Idinetalye pa ng PCCCII ayon sa resolusyon ni Poe, “Masahol pa sa hayop ang mga kidnapper.



Gumagamit sila ng torture, intimidasyon at panggagahasa sa mga kababaihan at pagkatapos ay magpapadala ng videos sa kaanak ng biktima kasabay ng paghingi ng malaking ransom. Sa ibang kaso, ibinebenta ang biktima sa ibang kidnapping groups.”

Binanggit pa ni Poe sa kanyang resolusyon, “Isa sa mga kaso ang pagdukot at pagpatay kay Eduardo Tolosa Jr., isang pharmaceutical executive na napaulat na sinunog sa loob ng tatlong araw ng mga kidnapper pagkatapos huling makita nang buhay sa kanyang Toyota Land Cruiser nang kumuha siya ng P5.7 milyong cash at dalawang mamahaling relo sa Bonifacio Global City.”

Isa pa aniyang hindi nalulutas na kaso ang kumakalat na traffic video na may titulong “Kidnapping sa Skyway galing airport” na kinasasangkutan ng tatlong ‘di kilalang sasakyan na pumalibot sa isang puting van sa Skyway at nakita ang mga kalalakihang binubuksan ang van, ayon sa resolusyon ni Poe.

Pinabulaanan ni Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Administration Jose Chiquito Malayo ang bilang, na aniya ay umabot lamang sa apat ang naitalang insidente ng pagdukot sa taong kasalukuyan na kung saan ang isa ay may kaugnayan sa Philippine offshore gaming operators (POGOs), at pawang dayuhan ang kidnappers.

Makalipas ang ilang araw, pinabulaanan ang datos ni Malayo nang iulat ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG) na tumaas ng 25 porsiyento ang bilang ng kaso ng kidnapping na kinasasangkutan ng ilang POGO.



Iniulat ng AKG na umabot sa 27 insidente ng kidnapping ang naganap mula Enero hanggang Setyembre: 15 POGO-related, 11 kidnap for ransom at isa ay casino-related na kaso.

“Kailangan din nating malaman ang katotohanan sa gitna ng mga hinalang ilang dayuhan ang nasa likod ng mga krimeng ito,” giit ng resolusyon. (Mylene Alfonso)