Advertisers
Patay ang dalawang katao sa magkahiwalay na pag-atake ng mga delivery truck sa Cebu at Iloilo nitong Huwebes.
Sa bayan ng Lambunao, Iloilo, nasawi ang driver ng delivery van habang sugatan ang dalawang helper nang holdapin at pagbabarilin ng mga armadong lalaki sa Brgy. Pasig.
Nakilala ang namatay na si Gerry Paldas at sugatan sina Elbert Mardoquio, 40; at Jeriel Nalangan, 38.
Sa imbestigasyon ng Lambunao PNP, kakatapos lang mag-deliver ng sigarilyo ng mga biktima sa isang tindahan at habang pabalik, bigla na lang hinarangan ang mga ito ng mga armadong lalaki at pinagbabaril.
Kaagad na tinamaan ng bala ang driver ng van at ang mga kasamahan nito.
Mabilis na kinuha ng mga salarin ang bag na dala ng mga biktima na naglalaman ng perang tinatayang nasa P300,000.
Kaagad dinala sa ospital ng mga rumespondeng rescuer ang mga biktima pero idineklarang dead on arrival si Paldas dahil sa tama ng bala sa ulo at dibdib.
Patuloy namang ginagamot sa ospital ang mga sugatan.
Narekober sa lugar ang dalawang basyo ng bala ng 12-gauge shotgun.
Sa Cebu, dead on the spot ang isang delivery truck driver nang pagbabaril habang bumabiyahe sa Brgy. San Roque sa bayan ng Lilo-an.
Ayon kay P/SSgt. Nelson Sadile ng Lilo-an PNP, papunta sana ang biktimang si Arnel Roble sa crimping plant nang nilapitan ng riding in tandem at pinagbabaril.
Sugatan ang helper nito na nasa front seat.
Base sa ulat, nasa medium to large build ang salarin na papunta sa bahagi ng Barangay Tabla sa naturang barangay.
Tinutugis na umano ng mga awtoridad ang mga salarin sa magkahiwalay na krimen.