Advertisers
TINODAS ng isang pulis ang kanyang misis at kalaguyo nito nang maaktuhan sa kahabaan ng highway sa Sitio Amuguis, Barangay Barcenaga, Naujan, Oriental Mindoro.
Kinilala ang mga biktima na sina Jacklyn Claire Asinas Geneta, 33 anyos, medical technologist ng Naujan Municipal Health Office (NMHO); at William Heart Eli Gacusan, nasa tamang edad, administration staff ng NMHO, kapwa residente ng nasabing bayan.
At ang salarin ay kinilalang si Police Corporal Michael Angelo Detera Geneta, nasa hustong taon gulang, mister ni Jacklyn, nakatalaga sa 1st PMFC Oriental Mindoro Police Provincial Office, at residente ng Brgy. Barcenaga.
Ayon sa report ng Naujan MPS, sakay ang dalawang biktima ng pulang Toyota Vios (VAA 7823) habang lulan naman ng motorsiklo ang pulis.
Ayon sa ilang saksi, bumaba ang pulis sa kanyang motorsiklo at binibigkas ang mga katagang “Bakit, bakit, bakit” at pinagbabaril ang mga biktima ng ilang beses saka tumakas.
Isinugod ang dalawang biktima ng mga tauhan ng MDRRMO Naujan sa Oriental Mindoro Provincial Hospital nguni’t binawian ng buhay.
Sa report, kusang sumuko sa istasyong ng pulisya ang salarin kasama ang kanyang mga magulang at isinurender ang baril na ginamit sa pagpatay sa mga biktima na may dalawang magazine na kargado ng bala.