Advertisers
Binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go ang pangangailangang ipagpatuloy ang paglaban sa mapanganib na droga at unahin ang kaligtasan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng kanyang pasuporta sa mga plano at programa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Dangerous Drugs Board (DDB).
Sa budget hearing ng Senate committee on finance noong Miyerkules, sinabi ni Go na kung muling lilitaw ang mga problema sa droga, maaaring ganoon din ang problema ng bansa sa krimen at katiwalian.
“Ganito po yan, ‘pag bumalik po ang iligal na droga, siguradong babalik ang kriminalidad at babalik po ang korapsyon. Alam mo, pag pumasok na yung pera ng iligal na droga, madami na pong nabibili. Mas alam ninyo po yan, mga resource persons. Mas alam ninyo po yung problema sa iligal na droga,” ipinunto ni Go.
“So huwag ho natin sayangin. Kami naman po dito ni Chairman Bato (dela Rosa), bilang mga mambabatas, limitado ang aming mga tulong. Pero di kami titigil sa pagtulong po sa inyo at maipagpatuloy po ang kampanya laban sa iligal na droga,” idinagdag niya.
Bagama’t napakarami nang nagawa ang bansa mula noong 2016 sa paglaban sa droga, sinabi ni Go na hindi dapat itigil ng gobyerno ang kampanya at ipagpatuloy ang nasimulan.
“Huwag ho natin sayangin kung ano po yung naumpisahang kampanya laban sa iligal na droga,” giit ni Go.
“Prayoridad ni dating Pangulong (Rodrigo) Duterte na labanan ang iligal na droga, kriminalidad at korapsyon. Sana maipagpatuloy natin ang ating kampanya laban sa iligal na droga at kriminalidad,” aniya.
Sinabi ng senador na malayo na ang narating sa laban sa droga, marami nang nakumpiska, nahuli, napanagot at nagbagong buhay sa nakaraang anim na taon.
“Marami ring namatay, maraming nagbuwis ng buhay, lalung-lalo na po yung mga nasa law enforcement agencies natin na nagbuwis ng buhay para labanan po itong iligal na droga,” ani Go.
Kaya sinabi niya na hindi ito ang panahon para magkumpiyansa dahil kinabukasan at kaligtasan ng ating mga anak ang nakasalalay dito sa kampanya laban sa iligal na droga.
Kumpiyansa si Go na ang PDEA at DDB ay nakahanda sa mas malaking hamon sa paglaban sa problema sa droga sa bansa, tulad ng ipinakita na nila sa nakaraang administrasyon.
“Ang (mga) gawain ng PDEA at ng DDB ay napakahalaga sa ating patuloy na kampanya laban sa iligal na droga at kriminalidad,” ani Go.
Sang-ayon din ang senador sa itinutulak ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na matugunan ang problema sa droga sa pamamagitan ng prevention at rehabilitation. Inulit niya ang kanyang matatag na panawagan para sa isang multifaceted strategy para labanan ang problema sa droga sa Pilipinas.
“Dapat nating tandaan na ang mga gumagamit ng droga ay mga biktima na nangangailangan ng pisikal, psychosocial, at espirituwal na tulong. Maaari pa rin silang maging produktibong miyembro ng ating lipunan, at dapat nating pagsikapang pangalagaan sila tulad ng ginagawa natin sa ibang Pilipino,” ani Go.
Kaugnay nito, inihain ni Go ang Senate Bill 428 na magtatatag ng drug abuse treatment at rehabilitation center sa bawat lalawigan.
“Habang hindi pa po ito batas, sana pagtulungan ng DDB at ng DOH (Department of Health) ang operasyon ng mga kasalukuyang rehab centers sa bansa. Marami dito binuksan noong panahon ni dating Pangulong Duterte, hindi ko lang alam kung ano na po nangyari doon sa mga rehab centers natin,” anang mambabatas.