Advertisers
POSIBLENG sumipa pa ang presyo ng produktong petrolyo ayon sa Department of Energy (DOE).
Ito’y kung ituloy umano ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) ang plano nitong bawasan nang 2 milyong barrel kada araw ang produksiyon ng langis simula Nobyembre.
“Kapag nagbaba sila ng actual na 2 million, ano mangyayari? Ang sagot ko diyan, tutuloy-tuloy na ang increase. ‘Di ko alam kung hanggang kailan,” pahayag ni Rino Abad, direktor ng Oil Industry Management Bureau sa ilalim ng DOE.
Sa unang araw ng trading sa world market noong Lunes, higit P5 na ang itinaas ng presyo ng imported diesel habang P1.50 naman sa gasolina at P4.60 sa kerosene.
Sa Kamara, isinusulong naman ng Makabayan bloc ang iba-ibang panukala na layong mapababa ang presyo ng petrolyo.
Gusto naman ni Sen. Sherwin Gatchalian na gawing batas ang digital na pamimigay ng Pantawid Pasada sa mga tsuper.
Kasali rin sa panukala ni Gatchalian ang parusa sa mga opisyal ng gobyerno na bigong magbigay ng ayuda sa takdang panahon.
Samantala, nitong Martes sumugod naman sa isang gasoline station sa Quezon City ang grupong PISTON, Kadamay at Kilusang Mayo Uno para magprotesta kasabay ng pagpapatupad ng malaking oil price hike.