Barbers sinisi pa ang US Customs sa “kush” ng anak ni Justice Sec. Remulla…‘BAKA MAYROONG KAPALPAKAN?’
Advertisers
NANAWAGAN si House Committee on Dangerous Drugs chairman, Representative Robert Ace Barbers, sa US Customs and Border Protection na higpitan ang kanilang kontrol sa pagsabat sa illegal drugs na nakalulusot sa kanilang border.
Ginawa ni Barbers, kinatawan ng Surigao del Norte, ang apela habang naghahanap ng kasagutan kung paanong ang P1.3 million halaga ng high-grade marijuana o “kush” mula sa Estados Unidos ay nakalusot sa border nito at napasakamay ni Juanito Jose Diaz Remulla III, anak ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla.
“Is the US Customs and Border Protection allowing exportation to countries like the Philippines of this (marijuana) illegal contraband? Iyan ang tanong na dapat sagutin,” sabi ni Barbers.
Sabi pa ni Barbers: “We ask the U.S. government to institute measures that will strengthen its control over what comes out of its jurisdiction. Baka mayroong kapalpakan na nangyari sa US Customs and Border Protection kasi nakalabas ‘yan sa kanila.”
Si Remulla III ay inaresto nang tanggapin niya ang parcels na naglalaman ng mahigit sa P1 million halaga ng kush, na pinadala ng isang Benjamin Huffman ng 1524 Hornblend Street, San Diego, California.
Binigyang-diin din ni Barbers na kailangan ng gobyerno maging mapagbantay dahil ang drug traffickers ay nag-iisip ng matitinding paraan para maikalat ang kanilang illegal drugs.
Samantala, sinabi ng isang opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na talagang pinalulusot ng US Customs ang droga at sinusubaybayan para madakip ang kasabwat ng sindikato sa bansang babagsakan ng kontrabando.
Ang kush na naka-address sa anak ni Justice Sec. Remulla ay kasama sa mga controlled delivery sa bodega ng Customs sa NAIA.