Beteranong election lawyer takbo sa Korte Suprema…PAGPAPALIBAN NG KONGRESO SA BARANGAY ELECTION KINUWESTYON; COMELEC NAKAHANDA ‘PAG MAY TRO
Advertisers
NAG-FILE nitong Lunes ng petition sa Korte Suprema ang batikang election lawyer na si Romulo Macalintal tungkol sa muling pagkakapasa ng batas para sa muling pagpaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE).
Ang BSKE ay orihinal na nakaiskedyul ng December 5, 2022 pero ipinagpaliban ng Oktubre 2023. Ito na ang ikalimang postponement ng BSKE simula 2016, tapos 2017, 2018 at 2022.
Sinabi ni Macalintal na ang Kongreso ay walang kapangyarihan para ipagpaliban ang termino ng barangay officials.
“Sinasabi namin na wala namang kapangyarihan ang Kongreso na mag-postpone ng eleksyon,” sabi ni Macalintal. “Bagama’t ang Kongreso ay binigyan ng Saligang Batas ng kapangyarihan na itakda ‘yung panahon ng panunungkulan ng mga barangay officials, sa sandaling maitakda ang panahon na ‘yan, hindi pwedeng ma-extend, hindi puwedeng i-postpone ang isang nakatakdang halalan para lang ma-extend ang term ng barangay officials.”
Pero sa petition ni Macalintal, hindi niya isinama ang SK elections.
“Sapagkat ang SK elections ay ginawa lamang ‘yan ng Kongreso… sa isang batas. Wala sa Constitution natin ang SK. Kaya ano man ang gawin ng Kongreso, talagang wala tayong magagawa doon,” paliwanag niya.
Paliwanag ni Macalintal, kung ang Kongreso ay may kapangyarihan sa pagpaliban sa halalan, mawawalan ng otoridad ang Commission on Elections (Comelec) sa ilalim ng umiiral na mga batas.
“Maliwanag naman na ang Comelec lamang ang may kapangyarihan mag-postpone ng halalan sa mga kadahilanang nakasaad sa Section 5 ng Omnibus Election Code.”
Ayon sa bagong batas, lahat ng incumbent barangay and SK officials ay magsisilbi hanggang sa mahalal ang papalit sa kanila o maagang maalis sila o masuspinde sa isang dahilan.
Ang termino ng mahahalal na Barangay and SK officials ay ‘magsisimula ng November 30, 2023 ng tanghali.
Ang sunod na eleksyon ay gaganapin pagkaraan ng 3 taon.
Sa isang panayam, sinabi ni Macalintal na kapag pinanatili ng Kongreso ang incumbent barangay officials, ang mga opisyal na ito ay hindi na elected kundi appointed na ng Kongreso.
“They’re already appointed because their term expired December 2022. So ‘pag nag-extension… sabi ng Korte Suprema, ‘yang holdover positions are legislative appointments,” paliwanag ni Macalintal.
Dahil dito, ang mga opisyal na ito ay hindi na matatawag na “representatives of the people” kundi sila’y mga “representatives of Congress.”
“Labag ‘yan sa Saligang Batas, sapagkat and Saligang Batas ang nagsasabi na ang mga barangay officials dapat elected, not appointed. Kaya itong Kongreso is doing indirectly what the Constitution prohibits them from doing directly,” dagdag niya.
Sabi pa ni Macalintal, ang ‘right to vote’ ng mga botante ay nawalan ng saysay kung ang termino ng barangay officials ay extended.
Sinabi naman ng Comelec na patuloy ang kanilang ginagawang paghahanda para sa BSKE 2022 sakaling maglabas ng ‘temporary restraining order’ (TRO) laban sa postponement.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, ang ginawa ni Macalintal ay isang “good development,” dinagdag niyang ito na ang “high time” para magkaroon ng klaro sa role ng Kongreso sa pagpaliban sa halalan sa ilalim ng Constitution.
“It’s high time na magkaroon po ng interpretasyon ang Saligang Batas — sadya bang may kapangyarihan ang Kongreso na mag-postpone ng eleksyon; number 2, sadya bang kasama sa pagpo-postpone ang Barangay at SK o ito ay limitado lang sa ibang posisyon,” sabi ni Garcia.
“Maganda po na merong interpretasyon sa probisyon na ‘yan.”
Wala pang komento ang Kongreso sa naging aksyon ni Macalintal. (Jonah Mallari)