Advertisers
Binati ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang 235 job applicants na na-hire on-the-spot sa ikaapat na Mega Job Fair ng lungsod mula noong Hulyo ng taong ito.
“Congratulations po sa ating mga na hired on-the-spot! Galingan niyo po, mga Batang Kankaloo. Kung ano man po ang posisyon niyo ngayon, sikapin niyo pong pagbutihin para sa inyong mga pamilya,” wika ni Mayor Along.
Ginanap ang nasabing event sa Caloocan Sports Complex, Bagumbong, kung saan 6,000 job opportunities ang bukas para sa mga naghahanap ng trabaho sa pamamagitan ng koordinasyon ng Public Service Employment Office (PESO) at mga partner agencies nito.
Ayon kay PESO Officer-in-charge Ms. Violeta Gonzales, mula noong termino ni Mayor Along, nagresulta ang mga local recruitment activities at mega job fair ng lungsod sa mahigit 5,896 na trabaho para sa mga residente ng Caloocan City.
Bukod dito, may kabuuang 34,610 na oportunidad sa trabaho ang bukas sa mga mamamayan mula noong Hulyo 2022 mula sa mga kasosyo nito kabilang ang SM Supermarket, Watsons, EEI Corporation, Alorica at VXI, at iba pa.
Nagpahayag din ng taos-pusong pasasalamat si Mayor Along sa mga employers sa pagtulong sa pamahalaang lungsod sa misyon nitong mapabuti ang kalidad ng buhay ng bawat pamilya sa pamamagitan ng tuloy-tuloy at pantay na pagkakataon para sa lahat.
“Maraming salamat po sa inyong pagtitiwala sa mga taga-Caloocan. Asahan niyo pong hindi namin ito sasayangin, masisipag at magagaling po ang mga Batang Kankaloo,” wika ni Malapitan.
“Salamat po sa pakikibahagi sa ating hangarin na maiangat ang kalidad ng buhay ng ating mga kababayan. Isa lang po ito sa ating mga programa na magtitiyak na bawat tahanan ay mayroong pantay na oportunidad para kumita,” dagdag ni Mayor Along.
Gayundin, nagkaroon ng “one-stop-shop” para sa mga serbisyo ng gobyerno na bukas para sa mga nangangailangan ng kanilang mga kinakailangan at iba pang mga dokumento na kinabibilangan ng mga booth mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), Bureau of Internal Revenue (BIR), Philhealth, PAGIBIG Fund at iba pa.