Advertisers
TODO paliwanag si Department of Justice (DoJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi puwedeng gawing ‘state witness’ ang suspendidong Bureau of Corrections (BuCor) Director na si Gerald Bantag kaugnay ng pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid.
Ayon kay Remulla, malaking bagay ang pagiging state witness at dapat ‘least guilty’ ang isang indibidwal.
Ito ang isinasaalang-alang ngayon ng DoJ.
Nagpapatuloy din ang imbestigasyon sa pagpatay kay Lapid at hindi aniya “fit” si Bantag sa main criteria ng pagiging ‘least guilty’.
Una rito, sinabi ni Remulla na mayroong mga bagong rebelasyon ang susuporta sa findings na nagli-link kay Bantag sa pagkamatay ni Lapid.
Ang pahayag ni Remulla, kasunod narin ng naging pahayag ng kapatid ni Lapid na si Roy Mabasa na gawing state witness si Bantag kapag nais o desidido itong sabihin ang lahat ng kanyang nalalaman.
Iginiit naman ni Remulla kay Bantag ang kaligtasan nito at ang kanyang ‘protected rights’ sa sandaling susuko ito sa mga otoridad.
Nakatakda narin mag-isyu ang DoJ ng subpoena sa dating BuCor chief at required itong sumagot sa alegasyong ipinupukol laban sa kanya.
Naniniwala rin si Remulla na nasa bansa pa si Bantag.
Kung maalala, noong Lunes nang maghain ng dalawang magkahiwalay na murder complaints ang
National Bureau of Investigation at Philippine National Police (PNP) sa Department of Justice (DoJ) laban kay Bantag at iba pang isinasangkot sa pagpatay kay Lapid at sa middleman na si Cristituto “Jun” Villamor.