Advertisers

Advertisers

‘P20m sa ulo ni Sen. Bato’

0 71

Advertisers

MALIKOT talaga ang pag-iisip nitong si dating Senador Antonio Trillanes, na kung tawagin ng mga DDshits ay “Trililing”. Hehehe…

Mantakin mong naisip niyang maglaan na reward na P20 MILYON sa makapagtuturo na ikahuhuli ng puganteng si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.

Sa laki nga naman ng reward na ito, ang mangyayari… magkakandarapa ang may alam para inguso si Bato. Araguy!

Oo! sa P20 MILYON, siguro kahit nasa ilalim ng bato si Bato ay madedetik ng mga bounty hunter.Peks man!

Kung nasa aktibong serbisyo pa siguro si ex-Chief PNP Nicolas Torre, tiyak pangungunahan niya ang paghuhukay sa mga posibleng pagtaguan nitong dati ring Chief PNP na utak ng “Tokhang” ng nakaraang administrasyong Duterte.

Kung maaalala, si Torre ang humukay sa pinagtataguan ng “manyakis” na si Pastor Apollo Quiboloy sa Davao City.

Nakakulong na ngayon si Quiboloy, ang spiritual adviser ni Digong Duterte, sa mga kasong walang piyansa.

Balikan natin kung bakit ganun katindi ang galit nitong si Trillanes sa kapwa niya PMAer na si Bato. Hinamon kasi siya noon ni Bato na samahan ang ICC (International Criminal Court) sa pagposas sa kanya.

Ngayong may hawak nang arrest warrant mula sa ICC si Trillanes, todo tago naman si Bato. Hehehe…

Anyway, sa mga gusto maging instant P20 milyon milyonaryo d’yan, simulan n’yo nang amuyin ang pinaglulunggaan ni Bato. Dyan lang yan sa tabi-tabi, tulad ni dating Police Lt. Colonel Rafael Dumlao na kung saan-saan hinanap eh d’yan lang pala sa Quezon City nagkukuya-kuyakoy. Hehehe…

Kung naalala n’yo rin si dating Army Major General Jovito Palparan, na inakusahang “butcher” ng mga komunistang rebelde, kungsaan-saan siya hinanap, pero dyan lang naglungga at nahuli sa Sta. Mesa, Manila, malapit sa unibersidad ng mga aktibista.

Kaya tama yung mga napapanood kong movies, na ang pinakamagandang pagtaguan ng mga wanted ay mismo sa erya kungsaan malapit ang istasyon ng mga awtoridad. Kung bakit? Kasi nga ang mga awtoridad ay kampante na walang kriminal na maglulungga malapit sa kanilang istasyon kundi sa malalayong lugar na halos hindi abot ng mga awtoridad.

Kaya duda ako rito kay Bato, baka d’yan lang yan sa likod ng Camp Crame nagpapahaba ng kanyang buhok eh. Kasi nung kinailangan siya ni Sen. Alan Cayetano sa Senado para bumuto upang mapatalsik sa liderato si Sen.Tito Sotto ay kaagad siyang sumulpot sa Senado. At nang tumakas naman siya sa kostudya ni Cayetano, sa Makati City lang daw siya ibinaba ni Sen. Robin Padilla. Ano sa tingin ninyo, mga pare’t mare?

Yung wanted naman na si Atong Ang, na mayroon nang P20 milyon patong sa ulo, ay baka d’yan lang yan nagpapalipat-lipat sa mga safehouse ng mga taong pinayaman niya sa kanyang online sabong noong panahon ni Duterte.

Sa totoo lang, maliit ang P20 milyon reward sa ulo ni Atong. Barya lang ang halagang ito para sa mga taong nagtatago sa kanya. Peksman!

Kaya DILG Secretary Jonvic Remulla, at NBI Director Melvin Matibag, kung gusto n’yong mahuli si Atong Ang, gawin ninyong P100 milyon patong sa kanyang ulo. T’yak may mag-aahas sa mga bigtime sabungero. Just do it!