Advertisers

Advertisers

TULONG NA UMAABOT SA TAO

0 3

Advertisers

Nakabibilib ang isang programa ng pamahalaan kapag hindi lamang ito maganda sa papel, kundi tunay na nararamdaman ng mga ordinaryong Pilipino.

Mas mahalaga kung ang tulong ay nakararating mismo sa mga pamilyang nangangailangan, sa mga estudyanteng nangangarap makapagtapos at sa mga komunidad na nangangailangan ng suporta.

Ito ang binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang pagbisita sa Negros Oriental, kung saan pinangunahan niya ang pamamahagi ng ayuda sa pagkain at educational assistance.

Sa ganitong mga programa, malinaw na hindi dapat malayo ang pamahalaan sa mga taong pinaglilingkuran nito.

Importante rin ang direktang paglalaan ng pondo sa mga lokal na pamahalaan dahil mas mabilis nilang matutukoy kung sino ang higit na nangangailangan.

Kapag maayos ang koordinasyon ng national government at LGUs, mas nagiging mabilis at organisado ang paghahatid ng serbisyo.

Ngunit hindi dapat maging dahilan ang ayuda para tuluyang umasa ang mga tao sa tulong ng gobyerno.

Dapat itong magsilbing tulay tungo sa mas matatag na buhay—mula sa pagkain ngayon, hanggang sa trabaho, edukasyon at kabuhayan na makapagbibigay ng pangmatagalang seguridad sa pamilya.

Partikular na mahalaga ang tulong para sa mga estudyante. Ang P20,000 na educational assistance ay maaaring malaking bagay para sa isang kabataang nagsisikap makapagtapos.

Ang bawat estudyanteng natutulungan ay may posibilidad na maging isang propesyonal na balang araw ay makatutulong naman sa sariling pamilya at komunidad.

Kaya dapat ipagpatuloy ang mga programang tunay na nakararating sa mamamayan.

Kasabay nito, kailangang tiyakin na bawat pondong inilalabas ay maayos na nagagamit, walang nasasayang at walang napupunta sa maling kamay.

Malinaw naman na ang tunay na sukatan ng isang programa ay hindi lamang kung magkano ang inilaan, kundi kung ilan ang natulungan at kung paano nito nabago ang kanilang buhay.

Masasabi na ang layunin ng pamahalaan ay hindi lamang maibsan ang gutom o pangangailangan sa kasalukuyan. Ang mas mahalaga ay mabigyan ang bawat Pilipino ng pagkakataong makaahon, makapag-aral, magkaroon ng disenteng kabuhayan at mamuhay nang may dignidad.

Aba’y kapag ang tulong ng gobyerno ay tunay na nakararating sa tao, saka natin masasabi na bawat bayan ay tunay na nakikinabang.

***

Catch Gilbert Perdez on “TODO BALITA” every Saturday from 4:00 AM to 5:00 AM on DWIZ 882 AM and ALIW Channel 23, and on “BRGY. 882” from 7:00 AM to 8:00 AM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ 882 AM, the DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ On-Demand on YouTube. For comments and inquiries, you may contact him by email at gil.playwright@gmail.com.