Advertisers
NASAKOTE ng mga operatiba ng Batangas PNP Provincial Police ang 607 na mga pugante kabilang ay mga regional at provincial level wanted persons, nakakumpiska ng 269 na di lisensyadong baril, mahigit sa Php 16M na halaga ng shabu sa mga serye ng anti-criminality drive na inilunsad ng kapulisan sa buong lalawigan ng Batangas kamakailan.

Naaresto din ng mga tauhan ni Batangas PNP Acting Provincial Director Col. Oliver B. Ebora ang limang lider ng salot na oil and petroleum pilferage o buriki/paihi syndicate at nasamsam sa mga ito ang mahigit sa Php 2.46M na nakaw na produktong petrolyo.
Malinaw na ipinakikita ng mga tala na hindi bumibitaw at patuloy na tumutupad sa kanilang mandato na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman” sina Col. Ebora.
Upang maging lubos na tagumpay ang kampanya ni Col. Ebora ay kailangang alisin nito ang mga balakid sa matuwid na landas ng kanyang kampanya kontra-krimen.
Kailangang tuluyang malansag ng Batangueñong si Col. Ebora ang operasyon ng peryahan na may sugalan at shabuhan (pergalan), sakla, Small Town Lottery (STL) bookies o jueteng, colorum van at illegal terminal, illegal mining at quarry at iba pang uri ng iligal sa kanyang hurisdiksyon.
Pangunahing dapat pagtuunan ng pansin ni Col. Ebora ang perswisyong operasyon ng mga peryahan na ang itinatampok ay sugalan at shabuhan ng isang alyas Baby Tomboy na kinikilalang “Shabu at Pergalan Queen” ng CALABARZON at mga alipores nitong sina alyas Onad, Pajon at Rommel.
Aakalaing legal ang pasugal at bentahan ng droga ni alyas Baby Tomboy pagkat di tinitinag ng mga police chief ng Nasugbu, Tanauan City at Sto. Tomas City ang mga sugalan con shabuhan ni alyas Baby Tomboy lalo na ang nasa sa Brgy. 3, Poblacion Nasugbu, Brgy. Darasa, Tanauan City at Brgy. San Rafael, Sto. Tomas City.
Nakatakdang maglatag pa ng mga sugalan na may shabuhan ang grupo ni alyas Baby Tomboy sa Brgy. 2, partikular sa kahabaan ng A. Mabini Ave. na sentrong lansangan at kalakalan ng siyudad ni Tanauan Mayor Sonny Collantes.
Bukod sa Area of Responsibility (AOR) ni Col. Ebora, ay may talamak na pasugalan din na front ng bentahan ng shabu si alyas Baby Tomboy sa GMA at Cavite City ngunit dedma lang ito kina Cavite Gov. Gabriel “Abeng” Remulla, Acting Provincial Director Col. Ariel Red at Cavite Police Chief Lt Col. Resty Soriano.
May inirereklamong sugalan na may shabuhan din si alyas Baby Tomboy sa bayan ng Pakil, Laguna, ngunit walang aksyon laban dito nina Laguna Acting PNP Provincial Dir. Col. Sandro DC Tafalla at Police Chief Major. Glenn Cuevas.
May mga nag-ooperate pang pergalan/shabuhan sa Calaca City, Ibaan, Batangas; sa bayan ng Alaminos, Laguna; sa Taytay at Tanay, Rizal, puesto pijo sa Brgy. Balibago, Sta. Rosa City at Brgy. Sto. Domingo, Biñan City na di dapat ipagsawalang kibo ni PNP Region 4A Dir. BGen. Dominic Baccay.
Largado din ang operasyon ng mga sakla o baklay sa mga siyudad ng Lipa, Tanauan at Sto. Tomas, pati na sa mga bayan ng Padre Garcia, Mataas na kahoy, Lemery, Alitagtag, San Luis, Rosario, San Juan, Nasugbu, Taysan at Tuy. Kailangang tutukan ito ni Col. Ebora.
***
Para sa komento: Cp.# 0966 406 6144